Isang suspek ang naaresto ng Pasay Police matapos masangkot sa kaguluhan sa isang kainan sa Pasay City noong Marso 14.
Ayon sa ulat ni Jhomer Apresto mula sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, kita sa kuha ng CCTV camera ang rambulan ng ilang mga lalaki na nagtagal ng ilang minuto bago dumating ang kapulisan sa establisimyento.
“Pagdating ng mga pulis namin doon, hindi po namin ma-identify pa noon kung sino yung victims kasi wala sila doon. Then, upon nung investigation po, binalik sila dito sa station,” sabi ni Police Major James Ralph Naval ng Pasay Police.
Ayon sa impormasyon mula sa pulisya, tatlong Vietnamese ang nasagutan kabilang ang isang babaeng interpreter.
Dagdag pa ng imbestigasyon na nagkaroon daw ng hindi pagkakasundo ang dalawang grupong nakainom, kaya’t nagumpisa ang rambulan.
Bagamat wala raw naaresto ang mga pulis noong araw ng insidente, isang suspek mula sa mahigit sampung suspek ang nahuli sa isang follow-up operation.
“Bukod sa physical injury na kinaso sa kanya, nakasuhan pa po siya ng concealing true name at disobedience to a person in authority kasi ayaw niya magpamedical, ayaw magpabooking,” sabi ni Naval.
Isang lalaking naka-kulay blue na t-shirt daw ang lumapit sa mga biktima at nagsimula ng gulo.
Samantala, tingin ng babaeng biktima na ang insidente ay isang “set-up” dahil matalik na kaibigan ng ilang suspek ang dayuhan na napakulong niya noong 2022 para sa kasong kidnapping.
Patuloy na gumugulong ang imbestigasyon ng mga pulis upang matugis ang iba pang suspek. —Jiselle Anne Casucian/VBL, GMA Integrated News