Isang sawa na may habang 13 talampakan at bigat na mahigit 15 kilo ang namataang tumatawid sa center island ng isang kalsada sa Rosario, Cavite.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Miyerkoles, mapanonood ang video na kuha ng mga empleyado ng isang hotel sa Barangay Tejeros Convention, kung saan gumagapang at tumatawid ang ahas.

Humingi ng tulong ang mga empleyado sa mga awtoridad upang sagipin ang sawa.

Naihabilin na sa municipal environment and natural resources office ang hayop.

Sinabi ng mga awtoridad na posibleng gutom ang sawa at naghahanap ng makakain kaya ito lumabas mula sa lungga nito. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News