Nasawi ang isang mag-asawang na sakay ng tricycle matapos mabangga ang kanilang sinasakyan ng isang motorsiklo sa likuran, na dahilan para mapunta sila sa kabilang bahagi ng kalsada at sumalpok naman sa nakasalubong na van sa Sto. Tomas, Pangasinan.
Sa ulat ni Glam Calicdan-Dizon sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang trahediya sa Barangay Salvacion noong madaling-araw ng Enero 5.
Sa CCTV footage, makikita ang tricycle na sinasakyan ng mag-asawang Miguel at Razel Serrona, kapuwa 34-anyos, na maaayos na binabaybayan ang kalsada.
Kasunod ng tricycle ang isang motorsiklo na mabilis ang takbo na kinalaunan ay bumangga sa kanilang likuran.
Dahil sa pagbangga ng motorsiklo, napunta sa kabilang bahagi ng kalsada ang tricycle na nagkataon naman na may paparating na mini-van na kanilang nakasalpukan.
Nasawi ang mag-asawa dahil sa mga pinsalang tinamo sa banggaan. Habang nakaligtas naman ang rider ng motorsiklo at mga sakay ng van.
“Actually, yung driver ng motorsiklo tsaka yung minivan, nakauwi na po sila. 'Yung kani-kanilang pamilya nag-usap noong Linggo, at yung pamilya ng mga biktima ayaw na po mag-file ng case,” ayon kay Police Staff Master Sergeant Manny Villanueva, chief investigator ng Santo Tomas Police.
Ibinurol ang mga labi ng mag-asawa sa kanilang bahay sa Alcala, Pangasinan, at tumanggi nang magbigay ng pahayag ang kanilang mga kamag-anak, ayon sa ulat. --FRJ, GMA Integrated News