Inilahad ni Jillian Ward na ilang beses niya na ring sinubukang tumigil sa showbiz dahil sa pinagdaraanang anxiety at mga personal na pagsubok sa buhay habang nasasaksihan ng publiko ang kaniyang paglaki.
Sa panayam ni Nelson Canlas kay Jillian na ipinalabas sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, ibinahagi ng aktres na kabaligtaran ang buhay niya pag-uwi sa bahay kumpara sa nakikita ng publiko na isa siyang masayahing tao.
"Growing up, sobrang strict ng parents ko, as in OA. Hindi po ako spoiled growing up. I had to earn everything I have. So kung ano po 'yung meron ako, I worked for it, even my toys, I worked for it," saad niya.
"I guess, naging mahirap siya kasi growing up sobrang strict ng parents ko. Tapos when they separated, binigyan nila ako ng freedom, which is good. Pero naging mahirap siya for me kasi hindi ko alam saan ako mag-i-start. I grew up na lahat ng kilos ko bantay nila," pagpapatuloy ni Jillian.
Hanggang ngayon, pinaglalabanan pa rin ni Jillian ang anxiety at palagi umano siyang "hard" sa sarili.
"I guess po na-e-enjoy ko siya kasi kapag merong nagpapa-picture, sobrang saya nila. But sometimes meron pong isang incident na wake ng grandfather ko, tapos umiiyak ako tapos merong gustong makipag-selfie. Super bata pa po ako noon, mga 13. Growing up hindi ako marunong mag-say ng 'No.' Imagine niyo po andoon 'yung kabaong ng lolo ko, umiiyak ako tapos may nagpapa-selfie. 'Ah sige po,'" pag-alala ni Jillian na bibida sa upcoming series na "My Ilonggo Girl."
"I grew up na hindi ako marunong mag-'No.' Somehow 'yun ang natutunan ko ngayon, na kailangan mo rin ng boundaries to protect your emotional, mental health," paliwanag niya.
Nauna na niyang isiniwalat na may mabigat siyang pinagdaanan noong 2024 nang maghiwalay ang kaniyang mga magulang.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News