Ayon sa isang feng shui consultant, taon din ng tukso ang 2025 na Year of the Wood Snake. Anu-ano nga ba ang dapat gawin para magka-lovelife ang mga single, habang ang mga couple, mas tumibay naman ang relasyon? Alamin.

Sa programang "Unang Hirit" nitong Martes, inilahad ng feng shui consultant na si Johnson Chua, na "year of temptation" ang 2025.

BASAHIN: Zodiac signs na 'suwerte' at dapat na 'mag-ingat' ngayong 2025, alamin

"'Pag pinag-uusapan natin in terms of pag-ibig, medyo maganda naman dapat ang Snake Year. So, maraming new things, marami mga pasimula, okay 'yan. Although, 'yung nga lang, it is also a year of temptation. Kaya medyo we need to be more careful," sabi ni Chua.

Ayon kay Chua, suwerte pagdating sa pag-ibig ngayong 2025 ang mga zodiac sign na kaibigan ng Snake gaya ng Ox, Rooster at Monkey.

Ang mga animal sign naman na kailangan ng "extra push" o maging maingat ang mga isinilang sa Year of the Pig, dahil numero uno itong kalaban ng Snake.

BASAHIN: Chinese Zodiac forecast ngayong 2025 na Year of the Wooden Snake, alamin

Kailangan ding mag-ingat ang mga ipinanganak sa Year of the Dog dahil may "conflict" sila para sa taon.

Para sa mga single ngayong taon, maaari umanong gumamit ng kulay asul o light blue sa kanilang mga damit o accessories ang mga lalaki, at pink naman para sa mga babae.

Upang maiwasan naman ng mga couple o mag-asawa ang tukso o temptation, gumamit ng dilaw na kulay, na sumisimbulo ng tatag o stability, sa kanilang accessories.

Mainam din para sa couples na maglagay ng kanilang mga larawan sa kanilang kuwarto o living area, ngunit huwag sa main door.

Maaari din na maglagay ng larawan nila sa wallet o sa phone.

"Ang maganda kasi nito, because always nire-remind ka kung sino ba talaga 'yung partner mo, 'yung mahal mo. So, every time may temptation na lumalapit sa'yo, meron kang foundation, may control ka," paliwanag ni  Chua.

Ilan sa feng shui charms na maaaring gamitin ang happy couple, na simbolo para mag-get together o maging matatag ang relasyon, at Mandarin duck.

Sikat naman ang mga Mandarin duck dahil lovebirds ito para sa mga Chinese, na kapag nawala ang isa, hindi na rin magtatagal ang isa. Panoorin sa video ang buong talakayan. -- FRJ, GMA Integrated News