Umaabot sa P1.7 milyon ang halaga ng piyansa ng aktres na si Rufa Mae Quinto matapos sumuko sa National Bureau of Investigation (NBI) nitong Miyerkules, kaugnay sa kinakaharap niyang kaso tungkol sa usapin ng Dermacare.

Sa programang "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Miyerkoles, sinabi ng host na si Tito Boy, na nakausap niya ang aktres at abogado nito na si Atty. Mary Louise Reyes.

Ayon kay Tito Boy, inaasahang ngayong araw din makakalaya si Rufa Mae kapag natapos ang pagproseso sa piyansa.

"Nakikipag-ugnayan na po kami sa NBI para ma-assist ang pag-voluntary surrender at pagpiyansa ni Ms. Quinto. Siya po ay nananatiling tapat sa legal na proseso," ani Reyes.

Nakiusap din sa publiko ang abogado na iwasan ang manghusga na base sa "inaccurate and incomplete information."

"Sana maintindihan po ng lahat ang kahalagahan ng pag-withhold muna namin ng ibang impormasyon hangga't maging maayos na po ang lahat. Kami po ay naninindigan sa katotohanan. Maraming salamat po," dagdag niya.

Nahaharap si Rufa Mae sa kasong may kaugnayan sa usapin ng Dermacare, ang kaparehong kompanya na naging dahilan sa pagkakaaresto at ilang araw na pagkakadetine sa actress-entrepreneur na si Neri Naig noong Disyembre.

BASAHIN: Neri Naig, pinalaya na ng Pasay RTC, ayon sa BJMP

Parehong ini-endorso ng dalawang aktres ang Dermacare.

Nauna nang sinabi ni Reyes na nahaharap si Rufa Mae sa 14 counts ng paglabag sa Section 8 ng Securities Regulation Code, na nagsasaad na ang securities gaya ng shares at mga investment ay hindi maaaring ibenta sa Pilipinas nang walang registration statement na isinumite at inaprubahan ng Securities and Exchange Commission (SEC).

Nilinaw din ng abogado na hindi kinasuhan ng large-scale estafa si Rufa Mae, na kadarating lang sa bansa mula sa Amerika.

Noong Setyembre 2023, naglabas ang SEC ng advisory tungkol sa Dermacare-Beyond Skin Care Solutions, na nagsasabi na hindi awtorisado ang kumpanya na humingi ng mga investment dahil hindi sila rehistrado at walang lisensya para magbenta ng securities.

Sa parehong advisory, sinabi ng komisyon na maaaring kasuhan ang mga salesman, broker, dealer, ahente, promoter, influencer, at endorser ng Dermacare.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras," sinabi ng abogado ng hindi nakompleto ang pagpipiyansa ng aktres dahil sumama ang pakiramdam nito nang tumaas ang presyon ng dugo.

Sa Huwebes umano nilang muling aasikasuhin ang pagpipiyansa ni Rufa Mae.

Nauna na ring itinanggi ni Rufa Mae ang mga paratang sa kaniya.

"I have no connection whatsoever to any fraudulent activity and I categorically deny these baseless accusations. If anything, I am also a victim and I am determined to seek justice," saad ni Rufa sa isang pahayag.

"It is dejecting to see my name being dragged through the mud, but I remain steadfast and confident that the truth will soon prevail," dagdag pa ng aktres. —FRJ, GMA Integrated News