Namatay ang isang ama sa Pakistan matapos siyang pagtulungang silaban umano ng dalawa niyang dalagitang anak mula sa magkaibang ina. Ang krimen, paghihiganti umano ng mag-half sisters dahil sa ginagawang pagsasamantala sa kanila, ayon sa pulisya.

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing nangyari ang pagsunog sa ama noong Enero 1 sa lungsod ng Punjabi sa Gujranwala.

Nadala pa sa ospital ang ama pero pumanaw na rin nitong Martes.

BASAHIN: Lola na naglalaba, binuhusan ng gasolina at sinilaban ng kaniyang manugang sa Cebu

"The girls said that they decided amongst themselves to find a 'permanent solution'," pahayag sa AFP ni Rizwan Tariq, senior police official sa Punjabi.

Kumuha umano ng gasolina ang magkapatid mula sa motorsiklo at sinilaban ang kanilang natutulog na ama.

Ayon sa magkapatid sa ama, may isang taon na umanong pinagsasamantalahan ng biktima ang nakatatanda sa kanila, habang dalawang beses namang pinagtangkaan ang mas nakababata sa kanila.

Batid umano ng kani-kanilang ina ang ginagawa sa kanila ng kanilang ama. Pero hindi raw alam ng mga ginang ang plano nilang magkapatid na paghihiganti.

Inaresto ang isa sa mga asawa, habang isinasailalim sa pagtatanong ang isa pa.

"We expect to present them before the court in a few days, as soon as we finish the investigation," saad ni Tariq. — mula sa ulat ng AFP/FRJ, GMA Integrated News