Kalunos-lunos ang sinapit ng isang 84-anyos na babaeng maysakit na ginahasa at pinatay sa saksak sa loob ng kaniyang bahay sa Floridablanca, Pampanga. Ang suspek, lango umano sa ilegal na droga.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Miyerkules, nakita ang bedridden na biktima na wala nang buhay sa loob ng kaniyang kuwarto.

Naaresto naman kinalaunan ang suspek at nabawi ang ninakaw na dalawang cellphone at isang wallet na may laman na mahigit P1,000.

Ayon sa Floridablanca Police Station, dating empleyado ng pamilya sa negosyong hardware ang suspek kaya pamilyar ito sa bahay ng biktima.

Nakapasok sa loob ng bahay ang suspek sa pamamagitan ng pag-akyat sa bakod.

“Sa ating further investigation... habang ninanakawan nitong suspek, nakita niya itong biktima na nakahiga at bedridden... nagawa niya pa itong halayin at pinagnakawan,” ayon kay Police Leiutenant Colonel Julius Alvaro, hepe ng Floridablanca Police Station.

Lasing at lango umano sa ilegal na droga ang suspek nang gawin ang krimen.

“Dati siyang empleyado doon sa isang hardware na negosyo nila. Sa oras na iyon, ay nag-inom siya diumano at saka gumamit ng illegal drugs at saka ginawa niya itong pagnanakaw,” dagdag ni Alvaro.

Hindi na umano nagbigay ng pahayag ang pamilya ng biktima, ayon sa ulat.

Mahaharap naman sa patong-patong na kaso ang suspek na hindi rin umano nagbigay ng pahayag.-- FRJ, GMA Integrated News