May natukoy nang person of interest ang mga awtoridad sa nangyaring pananaksak at pagpatay sa Southeast Asian Games (SEA) gold medalist na si Mervin Guarte sa Calapan, Oriental Mindoro. Personal na away ang tinitingnan ng pulisya na motibo sa krimen.

“Based po sa ginawa naming follow-up investigation at pag-review ng CCTV doon sa area, may na-identify po kami na person of interest,” pahayag ni Calapan City Police chief Police Lieutenant Colonel Roden Fulache sa GMA News Online.

Idinagdag ni Fulache na posibleng may matagal nang galit ang suspek kay Guarte, na sinaksak sa dibdib habang natutulog.

“Ang nakikita po namin baka may matagal nang kinikimkim na galit itong suspek. Siguro, tinimingan [timing] kaya nang makakita siya ng pagkakataon doon niya ginawa yung krimen,” dagdag ng opisyal.

Patuloy na hinahanap pa ng pulisya ang person of interest at pangangalap ng ebidensiya para sa pagsasampa ng kaso.

Una rito, natutulog si Guarte, 32-anyos, sa bahay ng kaibigang kagawad nang saksakin siya sa dibdib dakong 4:30 a.m. nitong Martes.

Ayon sa Oriental Mindoro Provincial Police Office, nagawa pang makahingi ng tulong ng biktima pero binawian din ng buhay kinalaunan.

Noong nakaraang taon, nagwagi ng gintong medalya si Guarte sa 32nd SEA Games sa Cambodia para sa four-man relay team sa obstacle course racing.

Nakakuha rin si Guarte ng gold medal sa2019 SEA Games sa men's 5km ng OCR, at dalawang silver medal sa 2011 edition para sa 800m at 1500m track events. -- mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News