Umabot sa 220 Pilipino na nakakulong sa United Arab Emirates ang laya na matapos bigyan ng pardon, o patawarin ng kanilang gobyerno, ayon  Department Foreign Affairs nitong Lunes. Mula Hunyo 2024, umabot sa mahigit 300 Pinoy na nakakulong doon ang pinalaya dahil sa pardon.

Sinabi ni DFA Undersecretary Ma. Theresa Lazaro, na iginawad sa naturang mga Pinoy ang pardon sa harap ng selebrasyon ng National Day ng UAE noong December 2, 2024.

Ayon kay Lazano, iginawad ang pagpapatawad sa naturang mga Pinoy na nakadetine dahil sa "distinguished friendship between the two countries.''

''It is the direct result of President Marcos' meeting with His Highness Sheikh Mohamed Bin Zayed Al Nahyan, President of the United Arab Emirates, last November,'' ani Lazaro.

Inaasikaso na umano ng DFA at Philippine Embassy sa Abu Dhabi ang pagproseso sa mga dokumento ng mga naturang Pinoy para makauwi na sila sa Pilipinas.

Pinasalamatan naman ni Pangulong Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr.  ang pamahalaan ng UAE sa pagkakaloob ng pardon sa mahigit 200 Pinoy.

''We extend our heartfelt gratitude to His Highness Sheikh Mohamed bin Zayed Al Nahyan and Prime Minister Sheikh Mohammed bin Rashid Al Maktoum, whom I also had the honor to meet, for this compassionate gesture,'' pahayag ni Marcos.

Ayon kay Lazaro, nahaharap sa iba't ibang kaso sa UAE ang mga pinatawad na Pinoy.

Noong June 2024, mayroong 143 nakakulong na Pinoy din ang binigyan din ng pardon ng UAE kaugnayan naman sa pagdiriwang nila ng Eid'l Adha.

Mga nakagagawa rin lang umano ng minor offenses ang pinagkakalooban ng pardon.— mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News