Inihayag ni Rufa Mae Quinto na hindi siya nabayaran at tumalbog pa ang mga tsekeng inisyu sa kaniya ng Dermacare, ang kompanyang hindi umano rehistrado sa Securities and Exchange Commission (SEC), at dahilan ng pagkakaroon niya ngayon ng kaso.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, nagbigay ng pahayag si Rufa nang dumating sa bansa mula sa California, U.S.A.
"Hi! Welcome to me in the Philippines. Yes, I surrender myself," pabirong sabi ni Rufa. "Okay naman, medyo pagod kasi galing U.S."
Kaagad din na humarap ang kampo ni Rufa kay National Bureau of Investigation Director Jaime Santiago, bago ipinroseso ang kaniyang mga papeles kaugnay ng kaniyang pagsuko para sa kinakaharap na kaso kung saan naglabas ng arrest warrant ang korte laban sa kaniya.
"Biktima rin po tayo kaya lahat haharapin," ayon sa aktres. "Hindi na maganda kasi reputasyon ko na 'yung sinisira rito kaya ngayon haharap ako para i-clear ko 'yung name ko."
Patuloy pa niya, "Sa totoo lang dapat ang hanapin nila [mga nagrereklamo] ang may-ari... Wala naman akong kinalaman sa kanila. Hindi ko naman sila na-meet or kakilala. In fact ako rin, hindi rin ako nabayaran, nag-bounce lahat ng tseke."
Iginiit ni Rufa na biktima rin siya ng Dermacare nang kunin siyang endorser.
"Noong pumirma ako tapos first down, talbog. Second down talbog. So puro bouncing hanggang sa sabi, 'Sorry.' Kinansel (cancel) din nila ako as endorser," paliwanag niya.
Sinubukan ng GMA Integrated News na makuha ang panig ng Dermacare tungkol sa isyu.
Apela ng aktres, huwag siyang husgahan at pakinggan muna ang kaniyang kuwento bago agad maniwala.
"Sana i-highlight niyo kung sino ba 'yung kawatan dito. Hindi porke't artista, ikaw na 'yung laging nasa news. Ibig sabihin, kailangan malinaw na hindi lang po ako, kundi 'yung mismong may-ari ang dapat habulin," ani Rufa.
Nagtungo na ang grupo ni Rufa sa Pasay Hall of Justice para maghain ng piyansa.
Pero sinabi ni Atty. Mary Louise Reyes, legal counsel ni Rufa, na hindi nagtuloy ang paghahain nila ng piyansa dahil sumama ang pakiramdam ng aktres.
"Almost done na sana kami, biglang sumama 'yung pakiramdam ni Ms. Rufa Mae Quinto, biglang nag-shoot up 'yung blood pressure niya, probably due to stress or jetlag, 'yung pagod. But I think it's stress," sabi ni Atty. Reyes.
"We will continue the bail process tomorrow morning, first thing in the morning," dagdag ni Atty. Reyes.
Sumuko si Rufa sa mga awtoridad pagkadating niya sa bansa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sa ParaƱaque City pasado 5 a.m.
Umaabot sa P1.7 milyon ang halaga ng piyansa ni Rufa.
Ang Dermacare ang kaparehong kompanya na dahilan sa pagkakaaresto at ilang araw na pagkakadetine sa actress-entrepreneur na si Neri Naig noong Disyembre.
Parehong ini-endorso ng dalawang aktres ang Dermacare.
Nauna nang sinabi ni Reyes na nahaharap si Rufa Mae sa 14 counts ng paglabag sa Section 8 ng Securities Regulation Code, na nagsasaad na ang securities gaya ng shares at mga investment ay hindi maaaring ibenta sa Pilipinas nang walang registration statement na isinumite at inaprubahan ng Securities and Exchange Commission (SEC).
Nilinaw din ng abogado na hindi kinasuhan ng large-scale estafa si Rufa Mae.
Noong Setyembre 2023, naglabas ang SEC ng advisory tungkol sa Dermacare-Beyond Skin Care Solutions, na nagsasabi na hindi awtorisado ang kumpanya na humingi ng mga investment dahil hindi sila rehistrado at walang lisensya para magbenta ng securities.
Sa parehong advisory, sinabi ng komisyon na maaaring kasuhan ang mga salesman, broker, dealer, ahente, promoter, influencer, at endorser ng Dermacare. -- Jamil Santos/FRJ, GM Integrated News