Nagulantang ang mga motorista at pedestrian nang makita nila ang isang bata na nahulog mula sa umaandar na electric vehicle at pumailalim sa nakasunod na kotse.  Makaligtas kaya ang bata? Alamin.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, ipinakita ang video footage mula sa Ministry of Public Security Traffic Management Bureau, kaugnay sa nahuli-cam na insidente sa Hunan, China.

Sa video, huminto ang daloy ng trapiko nang tumigil ang maraming motorista at naglapitan din ang mga pedestrian nang makita nilang pumailalim sa isang kotse ang batang limang-taong-gulang na nahulog mula sa e-vehicle.

Ang kotse, tumigil din pero walang bata na lumabas mula sa ilalim nito.

Kaya naman nagtulong-tulong ang mga tao para maiangat ang kotse upang malaman ang kalagayan ng bata.

Ayon sa mga awtoridad, maayos naman ang kalagayan ng bata bagaman tila may iniinda siyang sakit sa kamay.

Hindi idinetalye ng mga awtoridad kung paano at bakit nahulog ang bata mula sa e-vehicle.

Papapanagutin naman ang driver ng e-vehicle na lumitaw na hindi lisensiyado at hindi rin nakarehistro ang sasakyan.-- FRJ, GMA Integrated News