Kinondena ni House Secretary General Reginald Velasco ang driver ng isang SUV na may nakakabit na plakang "8" na para sa mga kongresista. Hinala ng opisyal, "peke" ang naturang plaka.

“The House of Representatives strongly condemns the misuse of the special protocol plate number “8” by the owner or driver of a vehicle recently involved in a traffic altercation, as seen in a viral video circulating online,” sabi ni Velasco.

Nag-viral sa social media kamakailan ang video ng naturang sasakyan matapos na makuhanan ang driver nito na may nakaalitan na driver ng ibang sasakyan sa Quezon City.

Sa video, makikita na lumabas ng SUV ang driver nito at nilapitan ang nakaalitang driver na nasa loob naman ng isang sasakyan.

Madidinig ang driver ng SUV na naghahamon at nagsabi sa nakaalitang driver na "gusto mo barilin kita?" Matapos murahin ang nakaalitan, bumalik na ang driver sa SUV at umalis.

“From watching the viral video, it would seem that the protocol plate is fake. It does not seem to have the security features of an original '8' protocol plate. Our law enforcement agencies can easily identify fake plates and confiscate them,” sabi pa ni Velasco.

Hiniling ni Velasco sa mga awtoridad na imbestigahan ang insidente at papanagutin ang sangkot.

“Using a fake special plate number, if that is indeed the case, is illegal and constitutes a punishable offense under existing laws. It is a serious matter that undermines the integrity of official markings and erodes public trust,” giit ng opisyal.

Hinikayat niya ang publiko na i-report sa mga awtoridad ang makikitang katulad na insidente.

Nanawagan naman si House Assistant Majority Leader at Tingong Party-list Rep. Jude Acidre, sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan, at maging sa secretariat ng Kamara de Representantes na magpatupad ng mas mahigpit na regulasyon tungkol sa paggamit ng protocol plates.

“Sana ay paigtingin pa natin ang mga polisiya at alituntunin sa paggamit at pag-issue ng protocol plates,” ayon kay Acidre.— mula sa ulat ni Tina Panganiban-Perez/Llanesca Panti/FRJ, GMA Integrated News