Naglabas ang Commission on Elections ng show cause order laban kay Atty. Christian Sia, na kandidatong kongresista sa Pasig City, dahil sa "joke" nito sa kampanya tungkol sa mga "solo parent na babae na nireregla [pa] at nalulungkot."

Sa pamamagitan ng Task Force on Safeguarding Against Fear and Exclusion in Elections (SAFE), sinulatan ng Comelec si Sia upang hingan ng paliwanag kung bakit hindi siya dapat patawan ng election offense o disqualification dahil sa paglabag sa Comelec Resolution No. 1116, kaugnay ng anti-discrimination and fair campaigning guidelines para sa 2025 national and local elections (NLE).

“In view of the foregoing, you are hereby ordered to show cause in writing within a non-extendible period of three days from receipt hereof and to explain why a complaint for election offense and / or a petition for disqualification should not be filed against you,” nakasaad sa SCO.

“Failure on your part to comply with this Order shall be construed a waiver of your right to be heard and the filing of the appropriate case against you,” dagdag nito.

 

 

Umani ng batikos sa social media ang naging pahayag ni Sia sa kaniyang kampanya tungkol sa mga single mom na nalulungkot na maaari umanong sumiping sa kaniya.

“Minsan sa isang taon ang mga solo parent na babae na nireregla at nalulungkot, minsan sa isang taon puwedeng sumiping sa akin,” ayon kay Sia sa harap ng mga tao.

Sa isang pahayag, nanawagan si Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian sa mga lokal na kandidato na itaas ang antas ng kanilang diskurso sa kampanya sa halip na gawing katatawanan ang mga marginalized sectors.

BIRO LANG

Sa hiwalay na kampanya, iginiit ni Sia na nagbibiro lang siya sa kaniyang sinabi tungkol sa mga single mom.

"Sana po sa mga kapwa ko Pasigueño, ang biro ay manatiling biro. Hindi po ba? At ang seryosong bagay, wag mo haluan ng biro," pahayag niya.

Tinawag din niyang propaganda ng katunggali niya ang pag-atake sa kaniyang biro.

"Ang babae ay nirerespeto at minamahal," giit ni Sia.

Nakasaad sa Comelec Resolution No. 1116 o Anti-Discrimination and Fair Campaigning Guidelines, na maituturing election offense sa 2025 midterm national and local polls ang pagtawag sa grupo o indibidwal bilang terrorists, dissenters, at criminals nang walang kaukulang ebidensiya.

Saklaw din ng resolusyon ang bullying at discrimination sa gender, ethnicity, age, religion, at disabilities, at iba pa.— mula sa ulat ni Sundy Locus/FRJ, GMA Integrated News