To the rescue ang ilang tao sa isang kotse na tumama sa mga guardrail sa gilid ng kalsada sa Zhejiang, China sa pag-aakala nila na may medical emergency ang driver nito. Pero nang buksan ang pinto ng kotse, nagulat sila sa nakita nila sa loob--isang aso.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makikita sa CCTV footage na dahan-dahan na umuusad ang puting kotse sa gilid ng highway hanggang sa tumama na sa guardrails at tumigil.
BASAHIN: Pagsagip ng 2 aso sa kapuwa nila aso na nabundol ng kotse, nahuli-cam
Ang mga nakakita sa insidente, nag-obserba muna at saka kumilos dahil walang driver na lumabas mula sa sasakyan. Inakala nilang may medical emergency ang driver at kailangang tulungan.
Pero nang buksan ng isang lalaki ang pinto ng kotse, tila nagulat siya nang wala siyang nakitang nakaupong driver sa sasakyan. Sa halip, isang aso ang mabilis na lumabas at tumakbo palayo.
Maya-maya lang, dumating na ang may-ari ng sasakyan. Kuwento niya, nagmamadali siya kaya nakalimutan niyang patayin ang makina ng kotse.
Hindi rin niya nailagay sa "park" ang kambiyo, at posibleng aksidenteng nagalaw ng aso ang electronic handbreake ng sasakyan kaya umusad.
Sa kabila ng nangyari, mabuti na lang na walang nasaktan at nadamay sa nangyaring insidente. -- FRJ, GMA Integrated News