Sa nagdaang mga linggo, ilang insidente ng away sa kalye ang naganap at may humahantong pa sa pagkamatay. Ano nga ba ang road rage, at ano ang mga puwedeng gawin upang maiwasan ang init ng ulo sa kalsada?

Sa programang "Unang Hirit" nitong Biyernes, ipaliwanag ni Philippine National Police Highway Patrol Group Public Information Officer at spokesperson Police Lieutenant Nadame Malang, na ang road rage ang agresibong pag-uugali ng mga driver o mga kababayan.

Ayon naman kay Dra. Joan Mae G. Perez Rifareal, MD, FPPA, Presidente ng Philippine Psychiatric Association, na ilan sa mga trigger ng road rage ang frustration, gaya ng kung may nag-cut o tila naisahan ang isang driver.

Kasama naman sa mga environmental stress ang mainit na panahon, traffic, gutom, o  dehydration, pagkauhaw o may nakaaway.

“Awareness is very important. Dapat aware ang driver kung kailan niya nararamdaman 'yung frustration, rage, anger. Usually kasi may physical na manifestations, mapi-feel ‘yan. Parang masakit ang ulo, o parang naninikip ang bibdib, tataas ang heart rate, at blood pressure,” sabi ni Rifareal.

“‘Pag ganu’n is de-escalate ka agad ng emotions. Kasi alam natin na 'pag tayo ay nasa state of heightened emotions ay maaaring makakagawa tayo, o makakasabi tayo ng mga thing na pagsisisihan natin later on. So, dapat kalmado lang,” payo ni Rifareal.

Ilan sa iminungkahi ng doktora ang deep breathing exercises para bumaba ang stress hormone gaya ng adrenaline at cortisol.

Dagdag niya, ipahayag ang galit ngunit “healthier,” gaya ng pagsigaw ngunit huwag nang buksan ang bintana para makipagsagutan sa kabilang partido.

Ayon pa kay Rifareal, kapag under threat ang isang tao, may mga frustration na na-a-activate ang fight or flight or freeze response.
"Mas maganda huwag na tayo mag-fight. So mas maganda we express our emotions in a healthier way,” payo niya.

Idinagdag naman ni Malang na, "Dapat i-assess natin ‘yung maaaring maging resulta ng mga hakbang or mga gagawin natin. Hindi lamang para sa atin sarili, kundi sa atin din mga kapuwa.”

Ayon din kay Malang, wala silang partikular na numero ng mga insidente ng road rage ngunit may naitala sila noong nakaraang Marso na hindi bababa sa 15 na insidente.

Kadalasan na mga lalaki rin umano ang nasasangkot sa road rage.

Payo pa ng opisyal, mas makabubuti kung itatawag na lamang sa mga hotline o humingi ng police assistance kapag nalabag ang kanilang karapatan sa kalye.

Kung kasamahan naman sa sasakyan ang naging bayolente, sabi ni Rifareal, “Kailangan i-validate mo rin ‘yung emotions ng driver na ‘Oo nga, nakakainis ‘yun, or nakaka-frustrate ‘yun,’ but papakalmahin niya talaga. Kaya nga, very crucial na huwag dagdagan ang tension, the feelings, the emotional, the tension there.”

“Tandaan natin na kailangan pa natin umuwi safely sa ating pamilya, sa ating anak. Let it be a motivation lagi na safety ang priority natin 'pag tayo ay nasa road. And meron tayong mga uuwian na loved ones na kailangan safe tayo lagi,” dagdag ni Rifareal.

“Ang panawagan po ng Highway Patrol Group ay magdala at mag-iwan ng mahabang pasensya. Lalo na tayong bumabagtas sa ating mga kalsada. Muli, tama yung sinabi po ni Doc na safety is the best option,” sabi ni Malang.

“When we are on the road, as a pedestrian, motorist, magdasal lang tayo na everyone is safe para lahat tayo ay makakatungo sa kung saan man ang ating activities for the day,” pagsegundo ni Rifareal.

Sa ilalim ng Republic Act 4136, may kaukulang parusa ang mga masasangkot sa mga insidente ng road rage, gaya ng reckless driving, coercion o threats, at iba pang paglabag sa batas trapiko.-- FRJ, GMA Integrated News