Inilahad ni Buboy Villar na nagkaroon na rin umano ng ibang anak ang dati niyang partner na si Angillyn Gorens matapos ang kanilang hiwalayan, ngunit hindi niya raw iyon ikinagalit.
Sa kaniyang exclusive interview sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, tinanong ni Tito Boy si Buboy hinggil sa pakikipag-ugnayan niya ngayon kay Angillyn.
"Tito Boy, gusto ko lang po, para sa akin, nakakalungkot mang sabihin, gusto ko rin sana, parang nirerespeto niya rin sana kung ano ako. Kasi siya, Tito Boy, I promise, I swear to God, nirerespeto ko po siya," pagbabahagi ni Buboy.
Dito, sinabi ni Buboy na nagkaroon na rin ng bagong karelasyon si Angillyn, at nagkaroon sila ng anak.
"Simula nga noong nagkaanak rin siya sa bago niya, hindi naman po ako nagsalita, Tito Boy," anang Kapuso comedian.
"Bago po ako nagkaanak, nagkaanak na rin po siya, Tito Boy doon po sa Amerika. Hindi po ako nagalit," sabi ni Buboy.
Sinabi ni Buboy na siya ang nagtanong kay Angillyn nang makita niya ang larawan ng bata sa isang story sa account nito.
Gayunman, wala siyang naramdamang inis o galit, kundi gusto niya lamang daw na malaman ang lahat para alam niya ang isasagot sa kanilang mga anak kapag nagtanong ang mga ito tungkol sa kanilang ina.
"Hindi ako para pakialaman ko po 'yung buhay niya. Mini-make sure ko lang po, kasi para alam ko rin po 'pag nagtanong sa akin 'yung anak ko. Alam ko rin po kung ano ang sabihin. Hindi po yung parang, 'Ah talaga? Bago sa akin 'yun. I didn't know that,'" paliwanag niya.
Bago nito, mariing pinabulaanan ni Buboy ang mga alegasyon ni Angillyn Gorens na sinaktan niya umano ito at pinapabayaan ang kanilang mga anak.
Kamakailan lang, inihayag ni Buboy na mayroon na siyang bagong karelasyon na si Khrizza Sampiano, at mayroon na silang baby na tatlong-buwang-gulang. -- FRJ, GMA Integrated News