Nahuli-cam ang umano'y pambu-bully sa isang babaeng Grade 8 student ng kaniyang mga kaklase sa loob ng isang paaralan sa Bagong Silangan, Quezon City.
Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, makikita sa video na nakaupo ang biktima at napapaligiran siya ng kaniyang mga kaklase na nagtatawanan at tila sinisindak siya.
Hindi nagtagal, hinablot na ang biktima sa kaniyang buhok hanggang sa mapunta siya sa sahig. May pagkakataon na tila iwinasiwas pa ang biktima habang sinasabunutan pa rin.
Ayon sa isang source na tumangging magpakilala, nangyari umano ang insidente noong Lunes.
Dalawang beses umanong nangyari ang pananakit sa biktima nang araw na iyon.
Sinubukan ng GMA Integrated News at Sangguniang Kabataan officials na makaugnayan ang biktima pero tumanggi ang kaniyang mga magulang.
Ayon sa source, nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa biktima at sa tumatayong lider ng grupo na nanakit sa kaniya.
Inihayag naman ng kapatid ng isa sa mga nanakit umano sa biktima, na ang kapatid niya ang unang na-bully.
Sa report ng principal ng paaralan na ipinadala sa Central Office ng Department of Education, sinabi umano ng biktima na nangyari ang insidente sa kanilang break-time ng 3pm at naulit noong kanilang uwian noong 6pm.
Hindi nagawang magsumbong ng biktima sa kaniyang mga magulang at class adviser dahil sa takot.
“The School Administration acknowledges the serious allegations of bullying and is conducting a thorough investigation into the incident captured in the video. We ask the public to trust our established procedures for handling this situation,” ayon sa inilabas na pahayag ng Bagong Silangan High School.
“We want to reassure our students and their families that we are committed to providing a safe and supportive learning environment for everyone. Bullying in any form is strictly prohibited, and we will take all necessary steps to address this matter. The safety and well-being of our students are our top priority,” patuloy nito.
Ayon naman sa DepEd, tinutugunan nila ang insidente at inatasan ang paaralan na madaliin ang imbestigasyon.
Nakahanda rin umano ang kagawaran na magbigay ng suporta sa biktima at mga sangkot sa insidente.
Humingi rin sila ng tulong sa Philippine National Police upang imbestigahan ang nangyaring insidente.— FRJ, GMA Integrated News