Emosyonal na ikinuwento ni Buboy Villar ang hirap ng kaniyang kalooban na hindi makasama ng mahabang oras ang kaniyang mga anak dahil kailangan niyang magtrabaho.

Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, inilahad ni Buboy na naghahanap ng mas mahabang oras na kapiling siya ng dalawa niyang anak sa dati niyang partner na si Angillyn Gorens.

"Nararamdaman ko po 'yon. Nararamdaman ko po lalo na po sa mga yakap ng mga anak ko. Nararamdaman ko 'yun Tito Boy na 'pag, 'Papa, I miss you. Papa, I want to be with you.' Pero siyempre Tito Boy sinasabi ko sa mga anak ko, 'I'm so sorry. Hindi kaya ni Papa talaga minsan 100% 'yung oras sa inyo kasi Papa needs to work. O, how can I buy your milk?'" kuwento niya.

"'How can I buy whatever you want if papa doesn't work? Papa wants that too. Papa wants that to be with you always.'" pagpapatuloy ni Buboy.

Nais daw sana ng Kapuso comedian na araw-araw sana niyang kapiling ang mga anak ngunit tila imposible dahil sa trabaho.

"Alam ko po, sa sarili ko po 'yun, na kung puwede lang araw-araw, kasama ko 'yung mga anak ko," sabi ni Buboy, na nagsimula nang maging emosyonal.

Bilang isang ama, itinuturing ni Buboy ang kaniyang mga anak bilang kaniyang lakas.

"Sila na nga lang 'yung lakas ko. Sila na nga lang 'yung nagpapatibay sa akin. Sila po 'yung tinitingnan ko Tito Boy. Minsan sa trabaho namin nakakapagod. Pero 'pag tinitingnan ko sila, 'pag tinitingnan ko 'yung contents ko, nakikita ko 'yung mga tawa ng anak ko, nakikita ko 'yung halik ng anak ko, it touches my heart," sabi ni Buboy.

"'Yun po 'yung pakiramdaman ko Tito Boy. Parang kasama ko sila roon sa trabaho na 'yun," dagdag niya.

Ayon kay Buboy, nagkaroon sila ng kasunduan ni Angillyn at mga magulang nito, tungkol sa pagbibigay niya ng pinansiyal na suporta para sa mga bata.

Hanggang sa ipatawag siya sa opisina ng Violence Against Women and their Children (VAWC) sa Quezon City noong 2024 dahil inireklamo siya tungkol pa rin sa sustento.  

Kalaunan, napagkasunduan ang halagang dapat itustos niya sa kaniyang mga anak, bukod pa sa mga gastusin para sa pag-aaral ng kanilang mga bata.

Gayunman, sinabi ni Buboy, na may mga pagkakataon din na ang nanay ni Angillyn ang sumasagot sa mga gastusin kapag hindi agad dumarating ang kaniyang suweldo para maibigay sa mga bata.

Kamakailan lang, inakusahan ni Angillyn si Buboy ng pananakit sa kaniya at pinapabayaan umano ang kanilang mga anak, na pawang itinanggi naman ng Kapuso actor.

Sa naturang episode din, inihayag ni Buboy na mayroon na rin naging ibang karelasyon si Angillyn at nagkaroon ito ng anak matapos silang maghiwalay.

Nitong nakaraang buwan, inihayag ni Buboy na mayroon na siyang bagong karelasyon na si Khrizza Sampiano, at mayroon na rin silang baby na tatlong-buwang-gulang. --FRJ, GMA Integrated News