Nahuli-cam ang ginawang pagbaril at pagpatay ng magkapatid sa isang lalaki habang nasa labas ng isang bahay sa Pavia, Iloilo. Ang mga suspek, naaresto nang maharang ng mga awtoridad sa checkpoint ang kanilang sasakyan.

Sa ulat ni Zen Quilantang-Sasa sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Wilmer Villarosa, na driver umano ni Land Transportation Office (LTO)- Region 6 Director, Atty. Gaudioso Geduspan.

Nadakip naman ang magkapatid na suspek na sina Jester at Jessie Machinal, nang maharang ng mga awtoridad ang kanilang sasakyan sa isang checkpoint sa Sara, Iloilo.

Sa closed-circuit television (CCTV) footage noong gabi ng Huwebes, makikita ang biktima na kausap ang magkapatid sa labas ng bahay sa Barangay Ungka II (Dos) sa bayan ng Pavia.

Maya-maya lang, sinuntok na ng isang suspek ang biktima, at binaril naman ng isa pang suspek.

Kahit nakatumba na, pinuputukan pa rin ng mga suspek ang biktima. Maging ang isang suspek, naglabas din ng baril ang ipinutok sa biktima.

Lumitaw na mga kapitbahay ni Geduspan ang magkapatid na suspek, na kaagad tumakas matapos ang pamamaril pero naaresto sa bayan ng Sara.

Bakas pa umano ang dugo sa damit at tsinelas ng mga suspek, pero hindi nakita ang mga baril na ginamit nila sa krimen.

“Na-corner ang sasakyan at na-flag down at napababa natin ang suspects at dito na nag-conduct tayo ng questioning. Sabi nila, mula sila sa Pavia,” ayon kay Police Major Jose Nemias Pamplona, hepe ng Sara Municipal Police Station.

Lumitaw sa imbestigasyon na nagpapalipas ng oras ang biktima sa labas ng bahay ng kaniyang amo na si Geduspan. Nilapitan ng magkapatid ang biktima, at nagkaroon ng komprontasyon na nauwi sa pamamaril sa biktima.

Dating alitan ang isa sa mga tinitingnan ng mga awtoridad na motibo sa krimen.

“Mga personal grudge ngunit i-finalize pa natin in the course of the investigation,” sabi ni Police Major Harold Rendora, hepe ng Pavia Municipal Police Station.

Ayon sa mga suspek, masama umanong makatingin sa kanila ang suspek. Dalawang beses na rin umano silang nagreklamo sa Pavia Municipal Police Station laban sa biktima ng unjust vexation at grave threat.

Ngunit ayon kay Rendora, walang record sa kanila ang biktima. Beberipikahin naman ang sinasabing reklamo ng mga suspek laban sa biktima.

Ikinagulat naman ng ama ng mga suspek ang kinasangkutang insidente ng kaniyang mga anak.

Habang sinusubukan ng GMA Regional TV One Western Visayas, na makuhanan ng pahayag si Geduspan tungkol sa sinapit ng kaniyang tauhan.

Reklamong murder ang isasampa ng pulisya laban sa magkapatid na Machinal.-- FRJ/VBL, GMA Integrated News