Nauwi sa trahedya ang pagdalaw ng isang lalaki sa bahay ng kaniyang nobya sa Velencia, Negros Oriental. Ang nobyo, napagkamalan na magnanakaw umano ng lolo ng babae kaya binaril na dahilan para mamatay ang biktima.
Sa ulat ni Ian Cruz sa GTV News State of the Nation nitong Huwebes, sinabing nag-usap ang 36-anyos na nobyo at ang kasintahan nito sa sala ng bahay.
Hindi malinaw ang sumunod na nangyari pero pumasok umano ang lalaki sa kuwarto ng nobya at doon natutulog ang 83-anyos na lolo.
Nang magising ang lolo, inakala umano nitong magnanakaw ang lalaki kaya niya binaril.
Kaagad na nasawi ang biktima, habang inaresto naman ang idinetine ang lolo na sinampahan ng murder at illegal possession of firearm.
Hindi pinayagan ng mga kaanak na makapanayam ang lolo dahil tumaas umano ang presyon ng dugo nito.
Habang wala namang pahayag ang nobya ng lalaki sa nangyari.
Iginiit naman ng nagluluksang sa kaanak ng lalaki na hindi ito magnanakaw.
"Sino ngayon ang magpapakain sa akin ipinapatay ninyo ang apo ako," hinanakit ng lola ng lalaki. "Hindi ko alam kung anong gagawin. Wala silang awa."
Bagaman dati na umanong nakulong ang biktima, iginiit ng mga kaanak ng lalaki na hindi iyon dahil sa pagnanakaw. Wala rin umano itong record na ganoong kasalanan sa barangay.-- FRJ, GMA Integrated News