Nasawi ang isang lalaki matapos siyang saksakin ng kaniyang kapatid habang naghahanda ng makakain sa Barangay Mandulog, Iligan City.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na bigla na lang sinaksak ng suspek ang 52-anyos na biktima nang walang dahilan.

Nagawa naman ng biktima na makaganti at masugatan ang suspek nang tagain niya ito gamit ang karit o pantabas ng damo.

Gayunman, hindi na umabot nang buhay sa ospital ang biktima, habang naaresto naman ang sugatan niyang kapatid, na dinala rin sa pagamutan.

Samantala, isang magkapatid rin sa Barangay Tambacan sa Iligan din ang nagtagaan.

Nasugatan sa leeg ng 22-anyos na suspek ang kaniyang kapatid nang kaniyang tagain pero suwerteng nakaligtas.

Tumakas ang suspek pero nadakip ng mga awtoridad sa sumunod na araw sa isang computer shop.

Iniimbestigahan pa ng pulisya ang insidente at mahaharap sa kaukulang kaso ang suspek. -- FRJ, GMA Integrated News