Hindi itinago ni Buboy Villar na mayroon siyang sama ng loob sa dating partner na si Angillyn Gorens dahil sa ibinatong mga akusasyon laban sa kaniya. Gayunman, patuloy pa rin daw niyang umuunawa ang ina ng dalawa niyang anak.
Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, muling itinanggi ni Buboy ang paratang ni Angillyn na sinaktan niya ito. Sinabi ng aktor na hindi nanggaling sa kaniya ang mga pasa ng dating nobya.
"Tito Boy, pananakal, panununtok. Hindi ko kayang gawin 'yan. Hindi ko po magagawa sa kaniya 'yan," sabi ng aktor.
Hindi rin umano totoo tinutukan niya ng kutsilyo si Angillyn habang nag-aalaga ng mga bata.
"Nakita ko 'yung mga pasa sa screenshot. Ang hirap nito, Tito Boy na sabihin in public sa problema, kasi hindi po talaga galing sa akin. Hindi ko masabi ito sa public alang-alang lang din po sa mga anak ko," ani Buboy.
Hindi na binanggit ni Buboy ang sinasabi nitong pinagdaraanan ni Angillyn.
"Which is alam ko na alam din ni Angillyn kung ano 'yung pinagdadaanan niya at alam niya kung saan galing talaga 'yung pasa na 'yun at hindi po galing sa akin 'yun," giit niya.
"Ni kahit kailan hindi pumasok sa isipan ko po na ilagay ang aking mga kamay sa kaniya or saktan siya, hindi ko po gagawin 'yun napakalabo, mahal na mahal na mahal ko po 'yung mga anak ko, at may respeto ko sa kaniya. Minahal ko po siya. Hindi ko po gagawin sa kaniya 'yun," sabi pa ni Buboy.
Dagdag ni Buboy, silang dalawa na ni Angillyn ang naka-aalam kung saan nagmula ang mga pasa nito, at tumanggi na si Buboy na isapubliko pa ito.
Nakipag-chat sa iba pero...
Inamin din ni Buboy na may mga ka-chat din siyang iba kahit noong sila pa ni Angillyn.
"Aaminin ko po, hindi po ako perpekto. May mga chat po ako paminsan-minsan. Pero hindi po ito natutuloy. Kasi mas pumapasok po sa isip ko na parang, ay, 'Ayoko magkamali kay Angillyn. So, hindi ko po sure kung sa part po ba na 'yun, ay naging part pa rin po ba siya ng cheating, which is, ako, tinatanggap ko siya sa sarili ko na, sige, baka part nga siya ng cheating. At yun ang hinihingi ko ng pasensiya," pahayag niya.
Gayunman, sinabi niyang hindi siya nagkaroon ng relasyon sa ibang babae habang sila pa ng dating nobya.
"Never, never, Tito Boy. Thank God po dahil binibigyan Niya po palagi ako ng kaliwanagan ng kaisipan na kapag ginawa mo 'yan, merong balik 'yan. Merong mangyayaring hindi rin maganda para sa 'yo. 'Yun po 'yung kinakatakot ko," sabi pa ng aktor.
Nang hingan si Buboy ng mensahe para kay Angillyn, sabi nito, "Actually, Tito Boy, 'di ko po talaga alam pa kung anong gusto kong sabihin. Kasi to be honest, ayoko naman maging hipokrito. Galit rin po ako. Naiinis. Pero mas pinipili ko na lang umunawa. Kaya lagi po ako nagpi-pray, Tito Boy, kasi ayoko ayoko po 'yung feeling na ito."
Hiling ni Buboy kay Angillyn na maghilom ang mga sugat nito, para na rin sa kanilang mga anak.
"Sana mag-heal ka. At sana, makahanap ka ng tao na, or, mga tao na nakapaligid sa'yo. Sana, ipininagpi-pray ko rin na sana tama lahat ng taong nakapaligid sa 'yo. At sana, bigyan ka niya ng kaliwanagan, kaisipan, at pagmamahal. Pagmamahal, hindi na po para sa akin. Pagmamahal para sa mga anak natin," sabi ni Buboy.
Inamin ni Buboy na bina-block niya ng mga account ni Angillyn dahil sa mga masasakit na salita nito sa kaniya, at iniiwasan niyang kausapin kung minsa.
"Kasi, from the start, okay naman tayo eh. Kaya naman pag-usapan. May mga times, na binlock kita. Oo, binlock kita kasi, hindi ko na kaya 'yung mga masasakit na salita na natatanggap ko, which is ayoko nang-i-explain. Ayoko na sabihin pa sa madla kung ano pa 'yun," ani Buboy
"Nasasaktan din ako, Angillyn. Nasasaktan din ako 'pag gano'n. Kaya nangyayari 'yung mga bagay kung... pasensiya, pasensiya sa 'yo kung minsan ayaw kitang kausap, kasi gusto ko rin huminga," patuloy ni Buboy na nag-aalala rin para sa kanilang mga anak sakaling mapanood ang naturang panayam.
Sa naturang episode din, inihayag ni Buboy na mayroon na rin naging ibang karelasyon si Angillyn at nagkaroon ito ng anak matapos silang maghiwalay.
Nitong nakaraang buwan, inihayag ni Buboy na mayroon na siyang bagong karelasyon na si Khrizza Sampiano, at mayroon na rin silang baby na tatlong-buwang-gulang. --FRJ, GMA Integrated News