Maraming netizens ang naantig ang damdamin sa isang asong-gala na napag-alaman na mayroong lumang bahay na tila hindi niya maiwan kahit pumanaw na ang kaniyang amo.
Sa ulat ni Kuya Kim Atienza sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, ikinuwento ni Rafael Zurbano, nag-upload ng video ng asong si "Milo," na una niya itong nakita na pagala-agala sa kalsada na tila balisa.
"Nakita ko siya naglalakad, tumatakbo, parang balisa. Nahabag 'yung puso ko, 'Parang problemado 'tong asong to?' Pinost ko siya sa social media," ani Rafael.
Nang sundan niya ang aso, doon niya nalaman na mayroon itong dating bahay pero hindi na naaalagaan dahil pumanaw na ang kaniyang amo.
Naawa si Rafael sa aso at kinuha para hanapan ng bagong mag-aalaga.
Ayon kay Rafael, hindi kaagad sumama sa kaniya si Milo at napansin na tila may luha sa mata nito nang isakay na sa sasakyan.
"Ayaw niyang umalis dun sa bahay nila. Umiiyak siya nang malakas. Nung napilit ko siya na mapaalis doon, nakita ko sa mukha niya habang nasa sasakyan kami papuntang vet, parang may luha sa mga mata niya," kuwento ni Rafael.
"Siguro naiisip niya 'yung amo niya. Talagang nakitaan ko talaga siya ng love and loyalty," dagdag niya.
Sa kabutihang-palad, sinabi ni Rafael na nakahanap siya ng bagong tahanan para kay Milo.
Ayon kay Kuya Kim, gaya ng mga tao, mayroon ding emosyon ang mga aso at marunong makadama ng kalungkutan, pagkabalisa, at depresyon.
Naipapahayag umano ng mga aso ang kanilang damdamin sa pamamagitan ng galaw ng katawan, pagwagwag sa buntot, facial expressions, at galaw ng tenga.
Isang senyales ng pagkakaroon ng problema ng mga aso ang pagbabago sa kanilang ugali gaya ng kawalan ng gana na maglaro o kumain.
"Observe lang muna. So after three days ng observation, pakilala, puwedeng magbigay ng treats and hawa-hawakan," payo ni Dr. Sean Evan Javier. "Kung halimbawa mapapansin mo nga may aggression, babalik ka sa naunang steps. They view yung mga tao as pack, kapag hindi nasunod 'yung tamang transition, mag-develop sila ng mga dysfunction." —FRJ, GMA Integrated News