Nagulat at kinalaunan ay natawa ang isang lalaki nang bumulaga sa kaniyang harapan ang isang cute na sloth na nakalambitin sa manibela ng kaniyang sasakyan sa Brazil.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, ipinakita ang video ni Antoni Luiz Laghi na patungo umano noon sa ospital nang makita niya ang sloth sa manibela nang buksan niya ang pinto ng sasakyan.
Natawa na lang Antonio sa sloth dahil tila hindi natinag ang cute na hayop sa pagkakalambitin sa manibela kahit pa nasa harapan niya ang taong may-ari ng sasakyan.
Posible raw na nanggaling ang sloth sa gubat na malapit lang sa bahay ng lalaki.
May nagbiro naman mga netizen sa video na baka ma-late sa kaniyang pupuntahan si Antonio kapag hinayaan niya ang sloth ang nagmaneho ng sasakyan dahil kilalang mabagal kumilos ang naturang mga hayop.
Hindi naman binanggit kung papaano naalis ni Antonio sa manibela ang sloth.
Samantala sa Turkiye, kinagiliwan din ng netizens ang reaksiyon ng isang batang oso nang makita niya ang sariling repleksiyon sa salamin na inilagay ng mga tauhan ng Bartin Nature Conservation Branch Directorate sa ilang gubat sa Kumluca.
Inilagay umano ang mga salamin bilang eksperimento para alamin kung ano ang magiging reaksiyon ng mga wild animal kapag nakita nila ang kanilang hitsura sa salamin.
Ang batang oso ang naging buena-mano sa eksperimento na nagulat at napaatras nang unang makita ang sarili sa salamin.
Ilang beses din niya sinuri ang salamin na kaniyang hinawak-hawak at sinisilip pa ang likod ng puno kung saan ikinabit ang salamin.
Naghatid ng good vibes sa netizens ang naturang video nang i-post ito sa internet.-- FRJ, GMA Integrated News