Naiwasan ang isang posibleng malagim na trahediya sa India nang biglang mawalan ng malay ang driver ng isang pampasaherong bus habang nagmamaneho. Mabuti na lang at alerto ang kasama niyang konduktor na mabilis na umaksyon.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, ipinakita ang video footage na kuha sa loob ng bus na pag-aari ng Bengaluru Metropolitan Transport Corporation, na maayos ang biyahe ng sasakyan sa Bengaluru, India.

Ngunit bigla umanong nakaramdam ng sakit sa dibdib ang driver ng bus, na hindi nagtagal ay natumba na sa kaniyang kinauupuan.

Makikita sa video na patuloy ang pag-andar ng bus hanggang sa nasagi nito ang isa pang bus sa daan.

Nagpatuloy pa rin ang pag-andar ng bus hanggang sa makikita na ang konduktor na pumuwesto sa driver's seat.

Kinontrol nila ang manibela hanggang sa tulyang naihinto sa bus.

Matapos nito, inalalayan niya ang driver na walang malay, at tumulong din ang ilang pasahero.

Makikita rin ang pag-aalalay sa kanila ng ilang motoristang dumadaan.

Sa inilabas na pahayag ng BMTC, sinabi nito na dinala ng konduktor sa ospital ang kasamahan nitong driver pero hindi na nailigtas ang kaniyang buhay.

Inatake umano sa puso ang driver na si Kran Kumar habang nagmamaneho.

Nagpaabot ng pakikiramay ang BMTC at tulong sa naulilang pamilya ni Kumar.

Hindi tinukoy sa pahayag ng BMTC kung ilan ang sakay ng bus pero iniulat ng local media na 50 ang sakay nitong pasahero nang mangyari ang insidente.

Sa kabutihang palad, ligtas silang lahat.

Lumapit daw kaagad ang konduktor sa unahan ng bus nang may napansin siya na hindi maganda sa kasamahang driver.

Marami ang humanga sa mabilis na aksyon ng konduktor na nakilalang si Obalesh, at naiwasan ang posibleng isang matinding trahediya.-- FRJ, GMA Integrated News