Hindi mga basura o dumi ang makikita sa isang kanal sa Cagayan de Oro City, kung hindi mga buhay na tilapia at koi kaya dinadayo ito ng mga tao.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, ikinuwento ng residenteng si Dodong Ralia na naisipan niya noong una maglagay ng pitong tilapia sa naturang kanal dahil malinis naman ang tubig.
Ang mga tilapia, hindi lang basta nabuhay kundi dumami pa.
Dito naengganyo ang isa pang residente na si Ricky Sinco na naglagay naman ng mga koi sa kanal.
Magmula nito, regular na nilang nililinis ang kanal upang siguraduhing ligtas ang mga isda.
Napag-alaman na nagmula sa bukal na dumadaloy na tubig sa kanal.
Ikinatuwa ng LGU ang inisyatibo ng magkapitbahay dahil nagsimula na ring maging atraksyon ang kanal na ginawa nang fish pond.
Umaasa ang LGU na magiging daan ito para mahikayat ang mas marami pang residente na maglinis at pangalagaan ang mga kanal. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News