Sa gitna nang naranasang pagbaha sa isang barangay sa Caramoan, Camarines Sur noong manalasa ang bagyo, isang kakaibang ahas ang kanilang nakita at kinatakutan na baka makamandag ito.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, ikinuwento ng video uploader na matutulog na sila nang makita nila ang ahas na mukhang mataba at lumalangoy sa ilalim ng kanilang mga bahay.
Nang i-post nila ang video ng kakaibang ahas, ilang netizens na nakapanood ang naghinala na Laticuada semifasciata o sea krait ang nakitang ahas, na itinuturing mas makamandag pa umano sa cobra at rattlesnake.
Kaya naman lalong natakot ang mga residente bagaman hindi na raw nila muling nakita ang kakaibang ahas.
Pero hinihinala ng herpetologist na si Wally Suarez, isang Lapemis (Hydrophis) custus o true sea snake ang lumutang na ahas.
Kung bakit ito mataba, posible umanong na-trap ito nang matagal sa net at nakanagat sa tubig kaya naging "bloated" o lumubo ang katawan.
"Suspicion ko is that [it] was entangled sa isang net at matagal na nakaangat sa tubig. True sea snakes inhale atmospheric air pero paunti-unti. Possible na nakalanghap ng more oxygen than necessary kaya may bloating," ani Suarez.
Gayunman, posible rin daw na hindi nagtagal ang buhay ng naturang ahas dahil sa kaniyang kondisyon. -- FRJ, GMA Integrated News