Bagsak at naninigas na nang makita ng isang caretaker ng farm ang 98 alaga nilang baka sa Parecis sa Rondonia, Brazil.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, ikinuwento umano ng caretaker sa Vila Basco na isang araw bago ang insidente, nagkaroon ng malakas ang ulan at matatalas ang kidlat sa kanilang lugar.
Nagsagawa umano nang routine inspection ang caretaker pero hindi niya na-check kung nasaan ang mga baka nang sandaling iyon hanggang sa makita niya ang mga ito na mga patay na.
Mataas at mabundok na lugar ang Parecis at posible umanong tumama ang kidlat sa lupa at sabay-sabay na nakuryente ang mga baka habang natutulog.
Ilang baka pa ang nakaligtas sa trahediya pero malaking dagok para sa farm ang nangyari sa kanilang mga alaga.
Hindi idinetalye sa local reports kung paano idinispatsa ang bangkay ng mga baka.
Samantala sa Itacoatiara sa Brazil pa rin, nasawi ang mahigit 60 ibon na iba't iba ang uri matapos na sumabit sa net na inilagay sa paligid ng isang property para protektahan ang mga palm tree.
Kabilang sa mga nasawi ay mga ibon na macaw, parakeet, toucans at aracaris.
Tinanggl na ang net, at pinamumulta ang may-ari ng property na nadiskubre rin ng mga awtoridad na may alagang ibon na walang permit.--FRJ, GMA Integrated News