Nalagay sa alanganin ang buhay ng isang lalaki na may sinusungkit sa kanilang kisame, matapos biglang bumulaga at manuklaw ang isang ahas.

Sa video ni Richard Duran, na mapanonood din sa GMA Integrated Newsfeed, mapanonood sa video na may dala-dala siyang itak at sako, tila may pilit na pinalalabas habang masugid na kinakalampag ang kisame.

Ilang saglit pa, isang ahas ang bigla na lang sumulpot at umatake.

Ayon kay Duran patulog na sana siya gabi ng Setyembre 20 nang makaramdam siya ng pagkaluskos sa kisame.

“Sabi ko pa sa backup ko, ‘Sisirain na natin itong buong kisame. Bahala na, basta makalabas lang dahil nakita namin kung gaano siya kalaki,” sabi anang uploader.

Dahil gusto niyang mahuli at mapalabas ito, humingi na ng tulong si Duran mula sa mga kapitbahay.

Ayon kay Duran, mabilis ang mga kaganapan sa pag-atake ng malaking sawa.

Sa kabutihang palad, nakaiwas agad si Duran.

Gayunman, nagiba ang kisame at doon tumambad ang napakalaking sawa, at nagkaroon sila ng pagkakataon para hulihin ito at mailagay sa sako.

Mahigit kumulang apat na metro ang haba ng sawa.

Nagpaalala si Duran na maging alerto at magmasid sa paligid at humingi ng gabay sa mga kinauukulan sa mga ganitong insidente.

Pinakawalan naman nila ang sawa upang masiguro ang kaligtasan nito. Wala ring nasaktan sa nangyari. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News