May mga paniniwala na bukod sa malas para sa iba ang Friday the 13th, maaari din itong maghatid ng kababaghan lalo na pagsapit ng 3:00 a.m. Kaya naman ang isang lalaki sa Quezon City, nangilabot nang may makita sa isang eskinita na naglalakad na matandang babae na wala umanong ulo.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Gelo Durolfo, na alas-tres ng madaling araw nitong nakaraang September 13, nang makita niya ang matandang babae na mabagal na naglalakad sa isang eskinita sa Barangay Escopa 1.
Nakasuot ng itim na damit at palda ang matanda na mabagal ang lakad. Nang mapansin ni Gelo na walang ulo ang babae, nangilabot siya. Pero sa halip na tumakbo palayo, kinuha niya ang kaniyang cellphone at kumuha ng video.
Sinundan pa niya ang matandang babae sa loob ng eskinita hanggang sa nawala umano ito sa madilim na bahagi.
Ayon kay Gelo, hindi raw residente sa kanilang lugar ang babae.
"Takot na takot ako. First kong na-experience ang ganoong sitwasyon," saad ni Gelo.
Pero hindi lang pala sa cellphone nahuli-cam ang misteryosong matanda dahil nakuhanan din ito sa mga CCTV camera ng barangay.
Nagsagawa ng imbestigasyon ang KMJS team upang alamin kung talagang may kababaghan sa nakitang matanda, at kung sino siya.
Ayon sa mga opisyal ng barangay, hindi nila kilala ang matandang babae na posibleng napadaan lang sa kanilang lugar.
Gayunman, nakumpirma na taliwas sa maling paniniwala, mayroon talagang ulo ang matanda ngunit nakayuko ito na tila nakuba na.
Sa patuloy na pagtatanong, natunton sa kalapit na barangay ang kapatid ng matandang babae.
Ayon kay Linda Baldivia, ang babae sa video na inakalang pugot ang ulo ay kapatid niyang si Rosenda, na isang dating overseas Filipino workers.
Namaltrato umano si Rosenda nang nagtatrabaho sa ibang bansa, at tila nawala na ito sa katinuan nang umuwi sa bansa.
Madalas din umanong nawawala ang kaniyang kapatid at ilang beses na rin nila itong ni-rescue.
Nang sandaling iyon, isang linggo na umanong nawawala sa Rosenda. Kaya nanawagan sila na mahanap ang kaniyang kapatid at matulungan sana sila na maipagamot ito.
Mahanap pa kaya nila si Rosenda? Panoorin ang buong kuwento.--FRJ, GMA Integrated News