Sinasabing pinakamabisang paraan ang hair follicle drug test para malaman kung gumagamit ng ilegal na droga ang isang tao. Eh paano kung kalbo?
Tinanong iyan ni Senador Ronaldo 'Bato' dela Rosa nang isalang sa paghimay ng komite sa Senado ang panukalang budget ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa 2025.
"Can bald men and women undergo a hair follicle drug test?", tanong ni dela Rosa.
Ayon sa PDEA, hindi pa sila "capable" sa ngayon na magsagawa hair follicle drug testing pero sinisimulan na raw nila itong "i-develop."
Nagkakahalaga ng P3.838 bilyon ang budget na hinihingi ng PDEA para sa 2025, na sinuri ng Senate finance subcommittee.
Ayon kay PDEA Director General Moro Virgilio Lazo, batay sa pagsusuri ng ahensiya, hindi na magagamit sa drug test ang buhok kapag ginupit na.
"Ang problema po sa hair follicle test, kapag ginupit ko na 'yung buhok ko, wala ka na. Zero na," ani Lazo.
Kaya tanong ni Dela Rosa, "Eh ako, kalbo ako. Hindi ako qualified mag-hair follicle test?"
"Wala, sir," nakangiting tugon ni Lazo.
Sinundan ni Dela Rosa ang tanong kung puwedeng gamitin sa hair policle test ang buhok na makukuha sa pribadong parte ng katawan o buhok sa ilong?
"Pag sinabing hair, sir, hair lang talaga sa ulo? Baka puwede yung hair sa ilong, hair sa genitals?" sabi ni Dela Rosa.
Ayon naman kay Lazo, "Puwede sir lahat."
"[Pero] paano kung shinave niyo, sir? Kasi once na pinutol mo yun buhok mo, wala ng traces doon... Anybody who wants to do hair follicle test pero shaved na siya, useless na. Pati babae for example, wala na sya," dagdag niya.
Sa bisa ng hair follicle drug test, sinabi ni PDEA Laboratory Service acting director Angela Salvador na kayang makita sa ganitong pagsusuri kung gamamit ng ilegal na droga ang isang tao kahit nakalipas na ang 90 araw.
"The standard period for detection of drugs in hair, it would vary, but the average is 90 days," saad ng opisyal.
Kumpara sa urine test, "recent use" lang umano ng ilegal na droga ang maaaring makita.
Idinagdag ni Salvador, na kung gumamit ng shabu ang ipapa-drug test gamit ang ihi, maaari lang na makita ito sa loob ng tatlong araw mula sa kaniyang huling paggamit.
Sa gumamit naman ng cannabis omarijuana, sinabi ni Salvador makikita ito sa pagsusuri sa ihi sa loob ng isang linggo mula sa kaniyang huling paggamit.
Gayunman, nilinaw ni Salvador na mayroon mga "factors" na maaaring makaapekto sa resulta ng urine drug tests gaya ng metabolism ng isang tao. — mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News