Kinagiliwan ng netizens ang isang madre na nakuhanan ng video habang nagmamando ng trapiko sa isang kalsada sa Vito Cruz sa Maynila.

Sa ulat ng Balitanghali nitong Biyernes, mapanonood ang ini-upload na video nina Francis at Christle Samonte na makikita si Sister Constance Tecson na siya munang nagmamando ng trapiko habang wala pa ang naka-duty noon na traffic enforcer.

Napa-"stop, look and listen" naman ang mga taong tumatawid. Tila sinusunod naman ng mga motorista ang senyas ng madre.

Nagbiro naman ang ilang netizens na baka maging  "minus points" sa langit ang mga hindi susunod sa senyas ni Sister Tecson.

Pinusuan ang viral na video na mayroon nang halos tatlong milyong views. --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News