Namangha ang mga Japanese researcher nang makita nila sa X-ray video system kung papaano nagagawa ng mga young Japanese eel, na makatakas mula sa tiyan ng mas malaking isda na kumain sa kanila.
Sa Pilipinas, tinatawag ang mga maliliit na eel na igat, palos o kiwet.
Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabi ng lead study author na si Yuha Hasegawa ng Nagasaki University, na inakala nila noong una na nakakatakas ang eel dahil nakapuwesto lang ito sa bibig ng mas malaking isda na kumain sa kaniya.
Pero nang suriin ang pambihirang tagpo gamit ang X-ray, nadiskubre na nakakarating sa tiyan ng malaking isda ang kinain na mga young eel na nasa tatlong pulgada ang haba, at nagpaikot-ikot pa ito sa sikmura.
Ilang saglit pa, nahanap na ng eel ang kanilang labasan sa pamamagitan ng gills o hasang ng isda.
Unang ilalabas ng ell ang kanilang buntot, batay sa nakatala sa Current Biology.
Nangyayari ang buong proseso ng matagumpay na eskapo sa loob ng isang minuto.
Maaari lang umanong mabuhay ang eel sa loob ng tiyan ng isda sa loob ng tatlong minuto dahil sa stomach acid.
Ayon kay Yuha Hasegawa, maayos naman ang lagay ng malaking isda na nakaeskapo ang mga eel.
Hindi umano naging madali ang eksperimento na tumagal ng isang taon bago nakuhanan ng video footage ang pambihirang kakayanan ng mga eel na takasan ang kanilang predator. — FRJ, GMA Integrated News