Isang poste ng kuryente ang bilang natumba sa Guizhou, China habang may dumadaan na isang babae at isang bata. Sa pagmamadali ng babae, naiwan niya ang bata na bahagya pang nadapa. Makaligtas kaya siya? Alamin.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, makikita sa video footage na mula sa loob ng isang tindahan na nakatapat sa poste ang pagdaan ng babae at bata.
Kaagad na napansin ng babae ang paparating na kapahamakan na dulot ng poste kaya kaagad silang napatakbo.
Ngunit sa pagmamadali niya, nabitawan niya ang bata na bahagyang napadapa sa mismong lugar kung saan bumagsak ang poste.
Sa kabutihang palad, may isang malaking sasakyan ang nakaparada sa lugar at tumama sa hood nito ang poste na bahagyang tumalbog kaya hindi tuluyang nabagsakan ang bata.
Mabuti rin na nakalayo rin agad ang bata dahil nasundan ng pagkislap at pagliyab ang mga kable ng kuryente.
Ayon sa mga residente, maayos naman ang lagay ng babae at bata, at wala rin ibang nasaktan sa nangyaring insidente.
Gayunman, ilang sasakyan ang napinsala at nagdulot ng brownout sa lugar.
Iniimbestigahan pa ng power department kung bakit natumba ang poste.--FRJ, GMA Integrated News