Isang maliit na asteroid ang nagpaningning sa kalangitan sa gitna ng gabi sa Luzon matapos itong tumama sa atmospera ng daigdig nitong Huwebes ng madaling -araw.
Nag-post ang netizens mula sa Cagayan Province ng mga video ng pagbagsak ng tila bolang apoy mula sa langit, na naganap bandang 12:39 a.m.
Ang asteroid, na may pangalang 2024 RW1, ay natukoy ilang oras lamang bago ito pumasok sa Earth atmosphere sa bahagi ng Luzon.
“This is just the ninth asteroid that humankind has ever spotted before impact,” saad ng European Space Agency.
Sinabi rin ng ESA na "harmless" ang asteroid na may sukat na halos isang metro.
Sa panayam sa kaniya sa GTV "Balitanghali," sinabi ni Mario Raymundo, hepe ng PAGASA astronomical publication and planetarium unit, na nagkalasog-lasog ang asteroid dahil sa air friction.
"Kung sakali naman po may naka-survive (na parte na tila bato) na fragmentation at nakuha po ng ating mga kababayan, ito po ay tinatawag nating meteorite which I doubt kasi ang tingin ko po, kung mayroong naka-survive maaari pong sa dagat bumagsak," saad ni Raymundo.
Noong Marso 2011, isa namang bulalakaw ang natuklasan sa Orconuma, Bongabong, Oriental Mindoro.
Ang Orconuma meteorite, na may bigat na 7.8 kilo, ay natagpuan sa isang bukid ng tatlong magsasaka, at itinago ang specimen sa loob ng siyam na taon.
Isang bahagi ng meteorite, na isa sa pitong space rock na natuklasan sa Pilipinas, ay ibinalik sa National Museum noong 2022.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News