May mga pulis, bumbero at emergency rescuers na dumagsa sa isang lugar sa Maasin, Iloilo para sa gagawing pagsagip sa isang estudyante na na-trap sa gitna ng rumaragasang ilog. Dumagsa rin ang mga residente sa lugar para saksihan ang inaasahan nilang maaksyong pagsagip pero naging kuwela ang ending.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing napunta ang 16-anyos na estudyante sa gitna ng ilog sa tungtungan ng poste ng tulay dahil sa paghahanap ng malakas na signal sa cellphone.
Hindi pa malakas ang agos at mababa lang ang tubig sa ilog kaya nakatawid ang binatilyo. Hanggang sa hindi niya namalayan na rumagasa na ang malakas na agos ng tubig bunga ng nangyaring malakas na ulan kaya hindi na siya makaalis.
Kaya naman sanib-puwersang rumesponde ang mga pulis, bumbero at emergency rescuers para sagipin ang binatilyo at maalis siya sa gitna ng ilog kung sakaling tumaas pa ang tubig.
Dumagsa rin ang mga tao sa gilid ng ilog at maging sa ibabaw ng tulay para saksihan ang inaasahang maaksiyong rescue mission sa binatilyo.
May nagbaba ng tali mula sa ibabaw ng tulay patungo sa binatilyo sa ibaba upang hatakin siya pataas.
Pero nag-alangan umano ang estudyante. Kaya binabaan na lang siya ng life vest sakaling hatakin na lang siya patawid ng ilog.
Hanggang sa mabaling ang atensyon ng lahat nang may isang residente ang lumusong sa ilog at naglakad patungo sa binatilyo.
"O, ayan na si Superman!," sigaw ng isang miron.
Bagaman may kalakasan ang agos, kaya naman itong lakaran. At ang tubig, aabot lang pala sa hita ang lalim.
Kaya ang inaasahang maaksiyong rescue mission, nauwi sa tawanan, at ligtas na nakatawid ang estudyante at si "Superman."
Nagpasalamat naman ang mga residente at ang pamilya ng estudyante sa mga ahensiya ng rumesponde para tumulong.
Ayon kay Roy Bermundo, ng Maasin, MDRRMO, hindi pamilyar ang mga rumesponde sa lugar at maging sa kung gaano kalalim ang tubig sa ilog.
"Sa nakita namin medyo malakas ang agos ng tubig kaya siyempre safety first and responders," paliwanag niya.--FRJ, GMA Integrated News