Isa nga bang uri ng isda o lobster ang lamang-dagat na nahuli umano sa karagatan ng Batangas na may makapal na kaliskis. Ligtas din kaya itong kainin? AHA!lamin.
Sa programang AHA!, ikinuwento ni Edmar Liwanagan ng Batangas City, na isang katrabaho niya ang nagbigay sa kaniya ng kakaibang uri ng lamang-dagat.
Hindi raw maluto ng kaniyang kaibigan ang nahuling lamang-dagat dahil hindi niya mawari kung ano ito.
Kulay orange ang lamang-dagat na tila sungay ang nguso, makapal ang kaliskis, at tila may mga paa.
Nag-post ng video si Edmar sa Facebook upang magtanong sa mga netizen kung ano ang naturang lamang-dagat at kung maaari bang kainin.
Hanggang sa malaman niya sa mga video na puwede itong ihawin, iluto sa gata, at sinigang.
Napag-alaman din na ang naturang lamang-dagat ay isda na tinatawag na Minya Pinya o Armored Sea Robin, na binasagan ding "Walking Fish."
Hindi raw kasi gaya ng ibang isda na gustong lumalangoy, mas gusto ng mga Armored Sea Robin ang maglakad gamit ang mistulang maliliit na paa, na bahagi ng kanilang palikpik.
Madalas daw na makita ang ganitong isda sa malalim na bahagi ng dagat.
Mayroong 50 species o uri ng Armored Sea Robin, na karamihan ay makikita sa Pacific, Indian at Atlantic Ocean.
Inihayag ng marine biologist na si Kent Elson Sorgon, ligtas naman itong kainin.
Ayon naman sa International Union for Conservation of Nature, stable o hindi nanganganib ang populasyon ng mga Armored Sea Robin.-- FRJ, GMA Integrated News