Lumangoy na lang ang mga mangingisda dahil halos lumubog na ang kanilang bangka sa dami ng nahuli nilang isdang tamban sa Palawan. Ngunit kahit nasa dalawang tonelada ang kanilang huling isda, ang pinakamalaki na kikitain ng bawat isa sa kanila ay aabot lang sa P500?
Sa "For Your Page" ng GMA Public Affairs, mapapanood sa video ng PH Adventures ang hindi maitagong saya ng mga mangingisda matapos makalambat ng mga isdang tamban.
Palatandaan ng mga mangingisda ang malaki at itim na bilog sa dagat na "kawan," o kumpol na maraming isda.
"Nakikita namin dito na maitim at saka malapad tapos lumulundag sa taas. Hindi kami magdududa na 'yan ay hindi isda kasi kitang kita namin gumagalaw, nagbabago 'yung shape, " sabi ng mangingisdang si Yolly Buncag.
Kapag nakakita sila ng kawan, nag-uunahan na sa paglambat ang mga mangingisda.
"Sobrang dami po lahat 'yon. Kung e-estimate natin, aabot 'yon ng mga dalawang tonelada. Sa sobrang tuwa namin, inakyat namin ang isda, halos hindi na magkasya 'yung laman ng lambat sa bangka, 'yung iba naglundagan," sabi ni Buncag.
Nagdiwang ang mga mangingisda sa dami nito, ngunit hindi na ito nagkasya sa kanilang bangka.
"'Yung nahuli namin sa bangka na lumubog mga kalahating toneleda lang 'yun. Hindi namin nakuha lahat. Kasi kapag nagbangga na 'yung marami, bababa na 'yung lambat kasi mabigat na 'yung isda. Inakyat lahat dahil malakas 'yung alon. Pinilit namin ilagay lahat doon sa bangka tapos hinila patabi," sabi pa ni Buncag.
"Dinalhan namin ng lubid tapos pinagtulung-tulungang hilahin 'yung bangka patabi para makarating kami rito sa tabing dagat," patuloy niya.
Kaniya-kaniya ng kuha ng banyera at timba ang lahat ng sumalubong sa kanila sa pampang.
Bawat isa ay masayang may iuuwi sa kani-kanilang pamilya.
"Sobrang hirap din po lalo mahangin, tapos maalon. Pero sa kabila noon kita niyo rin na mga kasama namin nag-a-apiran sa sobrang saya. Dahil sa mayroon na naman silang maiuuwi sa pamilya nila. Maibenta lahat 'yon magkakaroon na naman ng paghahati-hatian," sabi ni Buncag.
Gayunpaman, kahit na halos lumulubog ang kanilang bangka sa dami ng huli, ang pinakamalaking kita ng bawat isa, P500 lang.
"Kaunti lang din ang partihan namin, siguro mga P500. 'Yung labanan kasi rito kapag ikaw ay tumutulong manguha roon sa lambat ng isda halimbawa may tatlong balde ka na nakuha, 'yung isang balde po, para roon sa nagkuha ng isda sa laot. 'Yung dalawang balde doon naman sa nagtulong magtanggal ng isda roon sa lambat," ani Buncag.
Sa kabila ng maliit na halaga ng kanilang kita, umaapaw naman ang hangarin nilang magbigay sa kapuwa.
"Ganoon ang naging kaugalian namin dito. Kapag mayroong biyaya na galing sa laot, pinaghahati-hatian namin 'yan dito. Pinagtutulung-tulungan magtrabaho para sila makabahagi rin doon sa suwerte na galing sa amin," anang mangingisda.-- FRJ, GMA Integrated News