Ikinamangha ng mga tao ang nasaksihan nilang pagtatalunan ng mga isda sa isang lawa matapos ang malalakas na pag-ulan sa Shenyang, China.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing mga silver carp ang mga nagtalunang isda.
Kinakain din ang mga silver carp sa ilang lugar.
Ngunit sa video, walang tao na nangahas na manghuli ng mga isda.
Inabot ng ilang minuto bago tila kumalma ang mga isda.
Kahit na pambihira ito para sa mga residente, may naganap na ring ganitong eksena sa iba pang bahagi ng China gaya ng Zhejiang Province kasunod ng mga pag-ulan.
Tumaas ang antas ng tubig sa West Lake at kinakailangang buksan ang floodgate upang maiwasan ang pagbaha.
Sinabi ng mga eksperto na nagsisitalunan ang mga isda tuwing may pagbabago sa bilis ng agos ng tubig.
Nagaganap ito kapag nagbabago ang oxygen level sa tubig.
Tuwing umuulan, nagdudulot ng mas mataas na oxygen level sa mga pangisdaan.
Nagsisilbing babala sa fish growers ang pagbabago sa behavior ng mga isda dahil nakasasama ang labis na taas o baba ng oxygen level sa tubig.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News