Sugatan ang isang bata matapos siyang sakmalin at pagkakagatin ng isang aso na pumasok sa kanilang bahay sa Gujarat, India.

Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Martes, makikita sa video footage na natutulog sa sofa sa loob ng bahay ang bata nang pumasok ang aso.

Naglibot-libot muna ang aso sa bahay hanggang sa lapitan na nito ang bata at kaniyang sinakmal sa ulo.

Hinatak ng aso ang bata na nahulog sa sahig pinagkakagat pa rin.

Mabuti na lang at dumating ang isang matandang lalaki na nagawang maitaboy ang aso palabas ng bahay.

Dinala naman sa ospital ang bata na nagtamo ng mga sugat. Nagpapagaling na siya ngayon at binakunahan na rin ng pangontra sa rabies.

Ayon sa local media, nagreklamo na sa pulisya ang magulang ng bata pero malabong may makakasuhan dahil lumilitaw na asong-gala ang umatake sa bata at walang nagma-may-ari.--FRJ, GMA Integrated News