Isang car impounding area sa Cebu na pinagdadalhan din ng mga sasakyang nasangkot sa mga aksidente ang kinatatakutan dahil umano sa pagpaparamdam ng mga kaluluwa na pinaniniwalaang nasawi sa sakuna.
Sa isang episode ng “I Juander,” sinabi ni Harry Bastian Llesis, head officer ng car impounding center na ginawa niya ang impounding area dahil wala nang ibang lugar na mapaglagyan ang ibang impounded na sasakyan, pati na ang mga sasankyan na nasangkot sa disgrasya.
“Pagdating ng maraming mga disgrasya tulad ng truck na [nakasagasa] roon sa bridge, doon na nagsimula ‘yung mga kababalaghan dito sa impounding. Marami nang [nadidinig] mga umiiyak na tao,” sabi ni Llesis.
Nakararanas din umano ng mga kababalaghan maging ang iba nilang mga tauhan gaya ng mga nadidinig na tila naglalakad o tumatakbo sa impounding area.
“Bandang 9 p.m., nagkuha ako sa aking motor. Pagkatapos merong tumawag sa akin na ‘psst, psst.’ Paglingon ko, wala namang tao,” ayon sa car impounding staff na si Rene Pedroza.
Paliwanag ng paranormal researcher na si Ed Caluag, may mga tao na na-attach o napalapit sa isang bagay o lugar at nananatili rito ang kanilang alaala kahit pumanaw na.
“Pero ‘yung bagay na ‘yon ay may kinalaman sa kanilang pagkamatay. Part ng kanilang imprints o ng memories ay nandu’n sa bagay na ‘yon,” ayon kay Caluag.
Sinuri ng grupo ng mga paranormal expert na Cebu Ghost Hunters ang “haunted” na impounding area.
Kasama ng grupo ang international paranormal expert, psychic medium at healer na si Ramon Miles, na may kakayahan umanong i-bless ang mga lugar na nababalot ng kababalaghan.
“I'm looking over there and the pain in my head is getting stronger. Now, I'm beginning to shake. When spirit comes close to me, it often affects my ability to communicate,” sabi ni Miles tungkol sa pakiramdam niya pagpasok sa lugar.
Kinumpirma naman ni Llesis na may motor na nasangkot sa disgrasya at labis na napinsala ang ulo ng rider.
Sa paggamit naman nila ng EMF o electromagnetic field, umilaw ang kulay dilaw, na ayon sa grupo ay indikasyon na may presensya enerhiya ng kaluluwa umano.
“I felt like a corkscrew being driven into my ribs. An individual died in the accident, with crushed ribs,” sabi ni Miles. “It's like I've been hit with a brick.”
“The sensation I'm getting is that the driver stopped and then started again. Looking ahead and then carried on driving, and then ran over,” sabi ni Miles.
Muling kinumpirma ni Llesis na may sasakyang nakasagasa noon sa isang tulay na na-impound sa kanilang lugar.
Ang naturang sasakyan, umusad umano at gumana ang mga wiper nito kahit walang tao.
Tunghayan sa video ng "I Juander" ang isinagawang pagdarasal ng grupo nina Miles para matahimik kung anuman ang gumagambala sa impounding area.-- FRJ, GMA Integrated News