Naging malaking palaisipan sa isang babae noong una ang nadadatnan niyang nakakalat na iba't ibang gamit sa kaniyang bahay sa Anglesey, North Wales na hindi naman sa kaniya. At nang suriin niya ang CCTV camera sa kaniyang bahay, nabisto niya kung "sino" ang salarin.

Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, ipinakita ang ilang gamit na nakita ni Rachel Ward sa kaniyang bahay gaya ng mga gamit na pang-baby tulad ng damit, sapin, medyas at maging isang piraso ng tsinelas.

Gayunman, nagkaroon na siya ng hinala kung sino ang posibleng salarin at nakumpirma niya ito nang tingnan niya ang CCTV camera-- alaga niyang pusa na si "Marvin."

"I didn't know how Marvin was getting all these items until I saw him on camera and I was amazed," ani Ward.

Nangamba si Ward na baka magalit sa kaniya ang kaniyang mga kapitbahay dahil sa ginagawa ng kaniyang alaga.

Pero mabuti na lang daw at may sense of humor ang mga kapitbahay niya kaya sa halip na magalit ay natawa na lang sa ginagawa ni Marvin.

Nang mag-viral din ang post niya tungkol sa kakaibang trip ng kaniyang alaga, mas na-welcome pa raw iba niyang kapitbahay si Marvin, pati ang mga kapatid nito.

Muna rin nang malaman niya ang ginagawang "pangungulimbat" ni Marvin, agad na ring isinasauli ni Ward ang mga gamit na iniuuwi nito sa kaniyang bahay.--FRJ, GMA Integrated News