Mula sa pinto ng simbahan, hahakbang na sana patungo sa altar ang bride nang bigla siyang matigilan dahil sa isang lalaking nakadagan sa laylayan ng kaniyang gown sa likod. Ex-boyfriend nga ba ng bride ang lalaki na pinipigilan ang kasal? Alamin ang nakatutuwang kuwento.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, ipinakita ang ilang eksena sa kasal nina Flornilyn Galono Ponce at kaniyang groom na si Mas.

Pero nagtaka ang ilang guest sa simbahan nang mapansin nila na tila natagalan ang pagbukas ng pinto ng simbahan para makapaglakad na ang bride sa naghihintay na groom sa altar.

Nang bumukas na ang pinto ng simbahan, may lalaki na biglang natumba sa likod ng bride.

"While walking na po papasok, bigla lang parang hindi na ako maka-move. Inisip ko talaga may humatak sa gown ko sa likod. Bigla akong napalingon," kuwento ni Flornilyn.

Ang lalaking natumba, hindi kaagad nakatayo at kinailangan siyang alalayan ng dalawang tao para makaalis sa pagkakadagan sa gown ng bride.

Nanatili namang nakaupo ang lalaki na tila emosyonal na sinusundan ng tingin ang naglalakad na bride.

Ang ilang guest at mga netizen na nakapanood sa video, inakala na ex-jowa ng bride ang lalaki at pinipigilan nito ang kasal.

Pero ang natatawang paliwanag ni Flornilyn,"Hindi ko po talaga siya totally kilala. Kaya yung mga nagsasabi po na ex boyfriend ko, kaklaruhin ko lang po caption lang po 'yon."

Inilagay daw ang caption bilang katuwaan lang.

Sabi pa ni Flor, nanonood lang ng kasal sa naturang lalaki at hindi niya napansin nang matumba ito sa kaniyang gown.

Natagalan naman daw ang pagbubukas ng pinto ng simbahan dahil sa kalituhan ng organizer kung saan ba talagan papasok ang bride.

Sa kabila ng kaunting aberya, maayos namang nairaos ang naging kasal nina FLor at Mas.

Wala rin naman daw masamang nabalita tungkol sa kalagayan ng lalaking natumba sa likod ng bride.-- FRJ, GMA Integrated News