Umalis na basag ang windshield ng kotse ng isang lalaking customer na itinapon sa barista ang inorder niyang kape at tubig sa isang drive thru coffee stand sa Seattle, USA.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, makikita sa video footage ang pagtatalo ng lalaki at barista dahil sa presyo ng inorder nito na nagkakahalaga ng $22 o halos katumbas ng P1,300.
Ayon barista na si Emma Lee, dati na niyang customer ang lalaki pero ito ang unang beses na nagreklamo ito sa presyo ng kaniyang inorder.
"This wasn't his first time being aggressive, but it is the first time he's ever gotten physically violent with me," ani Lee. "He had gotten what he had paid for and was mad about the price."
Ayaw daw bayaran ng lalaki ang inorder na inumin at sinabihan na scammer ang barista.
"No one is forcing [him] to come here. The argument that he didn't know or was scammed doesn't hold up. The prices are listed," giit ni Lee.
Ang kanilang pagtatalo, nauwi sa pagsaboy ng lalaki sa kape at tubig.
Pero bago siya makaalis, hinampas naman ni Lee ang windshield ng kaniyang sasakyan kaya nabasag.
Hindi kita sa video, pero sinabi ni Lee na sinigawan, dinuraan at pinagbantaan siya ng lalaki.
Nagsampa ng reklamo si Lee laban sa lalaki, na hindi pa naglalabas ng pahayag sa nangyaring insidente.-- FRJ, GMA Integrated News