Kung dati ay sa gabi lang o kapag madilim na namamataan ang mga buwaya na dumadayo sa ilalim ng mga bahay na nakatayo sa dagat sa Barangay Rio Tuba sa Bataraza, Palawan, ngayon, kahit tanghali ay nakikita na ng mga residente ang mga dambuhalang hayop.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapapakinggan sa video na ini-upload ni Carl Vincent Aballe, ang kanilang pagkamangha sa malaking buwaya na lumalangoy sa dagat sa katanghaliang tapat.
Galing umano ang dambuhalang buwaya sa silong ng isang bahay. Ang pamangkin daw ni Abelle, mabuti raw na nakaakyat kaagad bago pa man masunggaban ng buwaya.
Kahit may araw pa, lumalabas na umano ang mga buwaya na tila naghahanap ng makakain.
Kaya naman doble ang pag-iingat ngayon ang mga residente dahil marami nang insidenteng nangyari ng pag-atake ng buwaya sa mga tao.
Ngayon buwan ng Hunyo, isang labandera at isang mangingisda ang nasawi dahil sa pag-atake umano ng buwaya sa Bataraza. -- FRJ, GMA Integrated News