Nagulat at nag-alala ang mga rescue personnel sa Surin, Thailand nang biglang bumangon ang lalaking na-revive lang at dadalhin sa ospital sakay ng ambulansiya. Ipinatigil kasi ng lalaki ang ambulansiya at saka nagtatakbo, at pumulot pa ng kahoy na pamalo sa kung sino man na hahabol sa kaniya.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, sinabi ng asawa ng lalaki na uminom ng tatlong beer ang kaniyang mister, at kinalaunan ay nakita niya na nakahandusay sa banyo na walang malay.
Pinagtulungan daw nila itong alisin sa banyo at nagsagawa sila ng cardiopulmonary resuscitation o CPR, na inabutan ng mga rumespondeng rescuer.
Ayon sa isang rescuer, na-revive ang lalaki at nagmulat ito ng mata pero nanatiling "unresponsive" kaya nagpasya silang isakay sa ambulansiya upang madala sa ospital.
Pero habang nasa daan, biglang nagkamalay ang lalaki at bumangon sa ambulansiya. Pilit umano nitong ipinatigil ang sasakyan, at saka bumaba, at nagtatakbo pabalik sa kanilang bahay.
Pumulot pa ng kahoy ang lalaki na panakot niya kung sakaling may hahabol sa kaniya.
Nag-aalala ang mga rescuer kaya humingi sila ng "rescue" sa mga kaanak ng lalaki para maayos siyang makauwi.
Nagpapalakas na umano ngayon ang lalaki sa kanilang bahay. Pero iniinda raw niya ang naramdamang pagod dahil sa ginawang pagtakbo mula sa ambulansya.
Ayon sa lalaki, hindi raw niya malaman kung papaano siya nakatakbo nang ganoong kalayo. Pero naaalala niya ayaw niyang magpadala sa ospital at nais lang niyang umuwi na.-- FRJ, GMA Integrated News