Namangha ang mga residente sa isang barangay sa Cabadbaran City, Agusan del Norte nang makita ang palutang-lutang sa dagat na dambuhalang jellyfish.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi ng isang residente na parang timba ang hitsura ng dambuhalang dikya na tinatayang may dalawang talampakan ang lapad.
Dahil nasa malapit sa dalampasigan ang dikya, inilayo muna ito ng isang mangingisda na si Mark Bolaño dahil may mga batang naliligo sa lugar.
Nang wala na ang mga bata, pinakawalan din niya ang dikya.
Ayon kay Kuya Kim Atienza, bagaman "jellyfish" ang tawag sa mga dikya, hindi talaga sila "isda."
Ang mga dikyu umano ay mga invertebrate sa ilalim ng phylum Cnidaria, na gaya ng mga sea anemone at corals.
Ang ibang eksperto, mas gusto umanong tawagin na jellies o sea jellies ang mga dikya. Ang 95% ng kanilang katawan ay tubig at gelatine-like substance na mesoglea.
Ayon sa marine biologist na si Serafin Geson III, posible umanong Versuriga anadyomene ang giant jellyfish na nakita sa Agusan del Norte.
"It’s an uncommon jellyfish usually found in tropical Indo-Pacific area waters. Mostly their habitats are in estuaries, 'yung parte ng dagat where it meets the rivers and some coral reef areas as well," paliwanag niya.
"Not all of them are strong enough. Hindi nila kayang continuous mag-swim against the current. Kadalasan is mag-d-drift lang talaga 'yan sila. Usually napupunta sila ng malapit sa shore if ever high tide," dagdag niya.
Sinabi rin ni Geson na hindi dapat hawakan ang mga dikyu dahil hindi batid kung ano ang epekto ng salabay nito sa tao.
May mga dikya na matindi ang lason na taglay sa salabay at nakamamatay gaya ng mga box jellyfish.-- FRJ, GMA Integrated News