Maganda man pagmasdan ang pagdagsa ng kakaibang mga blue jellyfish o "bungkatol" sa baybayin ng Butuan City, Agusan del Norte, pero may dala naman itong peligro at perhuwisyo sa kabuhayan ng mga residenteng mangingisda. Bakit nga kaya dumagsa ang mga dikyang ito?

Sa nakaraang episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho, makikita ang mga kumpol-kumpol at asul na asul na jellyfish na kung tawagin ay bungkatol sa bahagi ng  Barangay Lumbocan.

Nasa 16 sentimetro ang laki ng mga dikyang may kulay, tila payong ang ulo, na nag-i-illuminate o nagliliwanag sa ilalim ng tubig.

Paliwanag ng environmentalist na si Gregg Yan, ang symbiotic na algae na tinatawag na zooxanthellae ang nagbibigay-kulay at nagsisilbing pagkain sa mga jellyfish.

Ayon naman kay Joyce Baclayo, Senior Aquaculturist ng BFAR-Caraga, Acrometoides purpureus ang tawag sa blue jellyfish na nakita sa Lumbocan, na may sting ngunit “mild” lang.

Gayunman, nagtataglay ng toxins o lason ang mga galamay ng bungkatol na maaaring magdulot ng pamamaga at pangangati kapag dumikit sa balat.

“Ang mga jellyfish ay merong nematocysts. Ito ay ginagamit nila to stun, capture, and eventually eat their prey. Puwede itong magdulot ng allergic reaction,” sabi ni Yan.

Dahil dito, hindi nakakaligo sa dagat ang mga residente ng mga barangay na may mga blue jelly fish.

Si Cindy Delegencia, nadaplisan na ng galamay ng bungkatol sa kaliwang mata nang minsang hilahin niya ito sa buhangin para ilayo sa mga anak.

“Parang nilagyan ng sili ‘yung mata ko, napakahapdi, masakit siyang ipikit,” sabi ni Delegencia, na dalawang araw namaga ang mata.

Ang mangingisda namang si Jonas Sabucdalao, naperhuwisyo ang kabuhayan dahil sa pagdagsa ng mga bungkatol.

Mula sa 10 hanggang 20 kilo ng mga isda na nahuhuli at kumikita ng P5,000 kada araw, naging isang kilo o kalahating kilo na lamang ang nahuhuli ni Sabucdalao dahil sa mga dikya.
Dati naman daw na may napapadpad na blue jellyfish sa kanilang lugar pero sobrang dami raw ang dumagsa ngayon.

Nagsagawa na ng physiochemical parameters ang mga kawani ng BFAR o ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa Caraga Region sa Barangay Lumbocan upang tingnan ang pagdagsa ng blue jellyfish sa lugar.

Tunghayan sa KMJS ang paliwanag ng BFAR sa posibleng dahilan ng pagdagsa ng mga bungkatol sa dalampasigan ng barangay, at ano ang ginagawa ng lokal na pamahalaan para maprotektahan ang mga residente. Panoorin ang buong kuwento. --FRJ, GMA Integrated News