Medyo masama pa raw ang loob ng isang babaeng BPO agent nang sumasakay siya ng kotse dahil hindi niya nakita bibilhing inumin. Pero nang magkatinginan na sila ng driver, pareho silang nagulat.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, nakilala ang babae na si Nicole Gascon, 25-anyos, isang BPO agent sa Cagayan de Oro City.
Kuwento niya, kasama niya ang mga katrabaho nang sandaling iyon pero bumaba siya ng kanilang sasakyan para bumili ng inumin.
Pagbalik niya, buong tiwala siya na tama ang kotse na kaniyang sinakyan. Pagkaupo sa likod, medyo masama pa raw ang loob niya dahil wala ang energy drink na dapat niyang bibilhin.
Sa video, madidinig ang boses ng pagkabigla at pagtawa ng kaniyang mga kasama na nasa kabilang kotse at nasa likuran ng kotse kung saan sumakay si Nicole.
Tinangka pa nilang kunin ang atensyon ni Nicole sa pamamagitan ng pagbusina. Pero huli na dahil nakasakay na si Nicole at isinara na ang pinto.
Pero ilang saglit lang, lumabas na si Nicole na tumatawa.
Aminado si Nicole na medyo lutang ang isip nang sumakay siya sa kotse dahil sa mga iniisip.
"Naghanap ng drinks at the same time din po mini-memorize ko yung nursery rhyme na nag-trending sa Tiktok na Five Little Monkeys Humpty Dumpty," paliwanag niya.
Sabi pa ni Nicole, magkamukha kasi ang kotse at pareho ang kulay bagaman magkaiba ang modelo.
Ayon kay Nicole, nagkagulatan na lang sila ng driver nang magkatinginan.
"Pagpasok ko galit pa ako kasi wala yung hinahanap namin na energy drink. Nilapag ko yung bag ko, malakas na paglapag, disappointed pa at saka sabi ko pa, 'Walang energy drink,'" kuwento ni Nicole.
"Pagtinign ko sa driver, nagkagulatan na kami ni Sir. Kasi, sumigaw na siya, 'Hala Maám.' So sumigaw din ako, 'Hala sir!," natatawa pa niyang kuwento.
Matapos mag-sorry sa driver, kaagad na raw siyang bumaba, at natawa sa kaniyang pagkakamali.
Ang kaniyang mga kaibigan na tawang-tawa rin sa nangyari sa kaniya, ang una raw na inalam ay kung nai-record sa dashcam ang nangyari.
May natutunan naman daw lesson si Nicole sa nakakatawa niyang karanasan. Kabilang na rito ang pagkabisado sa plate number ng sasakyan at tingnan ang paligid kung may magkaparehong sasakyan. --FRJ, GMA Integrated News